Friday, December 2, 2011

lunukin ang maasim na katotohanan.

Halos sampung calamansi ang biniyak ko at kinanaw sa asukal at maligamgam na tubig kanina. Kalahating pitsel ang nagawa ko, sapat na para gawing tubig sa hapong ito.

Sipon, ubo, sakit ng katawan. Nakakalungkot isipin na napakahina ng resistensya ko ngayon. Dati-rati hindi naman ako ganito, lalo na kapag kasama pa sa almusal ko ang isang tabletang ascorbic acid. Matagal akong natigil mag vitamin C, dahil na rin sa mga araw na kailangan kong uminom ng antibiotics at iba pang medisina. Dahil sa mga sakit na hindi ko akalaing tatamaan ako. Yung mga sakit na ayoko talagang magkaroon.

Kay Mama ko pa lang naririnig yung mga katagang, “Minsan, kung ano pa yung ayaw mo, yun pa yung napupunta sa’yo.” Ilang beses na ‘tong nangyari sa ‘ken. Ang pinaka-una (at may malupit na impact) na natatandaan ko e nung pumipili ako ng kurso para sa kolehiyo. Gusto kong maging arkitekto, sa totoo lang. Kaya nung nagpa-plano ako nung patapos na ang huling taon namin sa hayskul, laging kasama sa mga panalangin ko yung balak ko na yun. Saka isa pa, naging inspirasyon ko din yun mga kaibigan ko na talagang ipinagdarasal yung mga bagay na gusto nila, na sa huli’y nakakamit din nila.

Minsan hindi ko maiwasang isipin kung nagiging makasarili lang ako sa mga pangarap ko sa buhay. Dumating yung resulta ng upcat, nakapasa ako sa kursong Devstud. Wala akong ni katiting na ideya kung anong mahihita ko sa kursong yun. Devstud kasi yung ‘whammy’ course na inilagay ko sa aplikasyon ko sa up. Ibig sabihin, wala kong partikular na bias sa pangalawang course preference ko sa upm. Ganun din kasi ang ginawa ng mga matalik kong kaibigan, nag-'whammy' din sila ng isang kurso. Ginawa ko na lang din dahil 
wala na rin kasi akong ideya kung san 'safe lumanding'. Sa totoo lang, yung araw na nalaman kong nakapasa ako sa up e saka lang ako sinipag na hanapin kung anong meron sa Devstud. Prelaw pala yun. Yari ako.

Nakapasa din ako sa DOST. Ako na. Joke lang haha. E sino ba naman kasing hindi matutuwa. Sobrang saya ko nung mga panahong yun. Talagang ipinaglalaan ako ni Lord ng blessings. Umiyak, tumawa, tumalon, gumulong sa sahig, talaga naman. Yung tipo ng pakiramdam na nanalo ka sa lotto kahit hindi ka naman tumaya. I’m on the top of the world!

E hindi pwede yung naipasa kong kurso sa dost. So kinailangan kong mag-iba ng kurso. Hindi pa nga ko pumapasok sa kolehiyo shift na agad. Ako na talaga.

Pinayagan ako sa apila ko. Sabi ko kahit anong kurso na under ng scholarship ng dost. Pumayag sila. Inilagay nila ko sa Biology.

Science. Nung hayskul ang mga kilala kong nagbabalak pumasok sa area na ‘to e yung mga matatalino ko talagang  mga batchmates. Sina Jorell, Beam, Janine, etc. Ako, sa totoo lang, e binalak pang mag Malikhaing Pagsulat sa UP. O Journalism, o Masscomm, basta yung makakapagsulat ako, o makakapag-direct ng pelikula, basta kahit anong magsti-stimulate ng pagka-malikhain ko. Hindi naman sa ayoko ng science-related na kurso. Nature lover naman ako, dog-lover. Masaya ako pag nagbbyahe sa mga rural na lugar, yung maraming puno, at walang polusyon. Mahal na mahal ko ang dagat, ang kalangitan, ang ulan, ang araw, bituin at ang buwan. Akala ko hanggang dun na lang yun.

Kaso Biology.

Spelling pa lang malayo na talaga ‘to sa Architecture.

Mula noon hindi na talaga ko nag-set ng long-term goals para sa sarili ko, at hinayaan ang Panginoon na magplano para sa ken. Carpe diem.

Saturday, December 18, 2010

dandelayon.


ang araw, sumikat o lumubog man, ay madalas nating napapansin sa dalampasigan o sa pagitan ng kabundukan. di kaya mas maraming tao ang sumisilay dito sa ibabaw ng kanilang bubungan, sa pagitan ng mga antenna at poste ng kuryente?

~kuha ni Chuchay, tala ni Nica, biyaya ng Panginoon. :)

Friday, November 12, 2010

2ndsem. nat-de-sem.

  • iwasan ang madalas na pag-irap
  • hangga't maaari, wag mong ikunot ang iyong noo
  • magpasalamat sa lahat ng pagkakataon
  • ngumiti ka, lalo na kapag nagising ka pa ng isang umaga
  • wag masyadong alalahanin ang mga bagay-bagay
  • tandaan na may humahawak sa iyong buhay
  • magtiwala ka lang kay Lord
  • gampanan nang mabuti ang iyong mga responsibilidad
  • magsorry ka kung alam mong guilty ka
  • sige, ikaw rin, baka 'di ka makatulog
  • kung gusto mong maging malaya, wa ka maconscious
  • ikaw din ang naglilimita sa sarili mo
  • gawin/sabihin kung ano ang tama/totoo
  • kahit mag-isa ka lang
  • wag mong i-condemn ang iyong kapwa
  • pareho lang kayong makasalanan
  • pagalitan mo ang sarili mo pag naga-assume ka na
  • o kaya 'pag masyadong nage-expect
  • o masyadong ino-obsess ang sarili sa kahit ano/sino
  • kung ayaw mo mapahiya/masaktan/mapariwara
  • isipin mo muna bago mo sabihin
  • tingnan ang mabuti/positibong panig
  • iwasang bigyang pakahulugan ang mga bagay-bagay
  • tulad ng pagdaan ng itim na pusa sa harapan mo
  • o ng kulay ng t-shirt na isusuot mo
  • o ng pagtingin sa'yo ng kung sino
  • iwasang ikumpara ang sarili sa iba
  • minsan kasi nagagawa mo yan unconsciously
  • disiplinahin mo ang sarili mo
  • ang madalas na pagdedaydream ay nakakasama sa'yo
  • dahil nasasayang ang oras mo
  • at nawawalan ka na ng respeto sa iyong sarili
  • kalabanin ang katamaran
  • ibig sabihin, magstruggle ka sa pagkontrol sa iyong sarili
  • walang ibang naidudulot ang pagyayabang
  • bukod sa panandaliang glory
  • na hindi naman mahalaga
  • magpasalamat ka kapag naghihirap ka
  • dahil kaya mo pang maging mas malakas
  • at oportunidad 'yon sa pagitan niyo ni Lord
  • mabuti pang 'lumabas' kang mali
  • dahil ironic na ang mundo
  • kesa maging self-righteous
  • dahil daig mo pa ang isang murderer pag nagkagayon
  • kumain ka nang mabuti bago magsimula ng kahit na ano
  • matulog ka sa oras (10pm)
  • gumising nang maaga (5-6am)
  • pwera kung may importanteng dapat gawin/ginawa
  • FB, PVZ, YM, etc.: hindi yan importante
  • pati panonood ng movies/series, hindi rin
  • magbasa ng Bibliya bago matulog at pagkagising
  • magnote ka AT isabuhay ito
  • hindi naman sa lubos na paglimita ito sa sarili
  • sadyang may kanya-kanyang lugar/panahon/dahilan
  • ang mga bagay-bagay
  • kaya i-treat mo rin ang sarili mo - paminsan minsan
  • huwag mong ipilit kung wala ka naman talagang sasabihin
  • kasi baka may lumabas na wala sa lugar
  • habaan mo pala ang pasensya mo
  • dahil patuloy kang kukulitin ng buhay
  • aasarin, gagalitin, paiiyakin
  • pwedeng magbreakdown (yo)
  • basta, siguraduhin mo lang na 'you look up' pagkatapos
  • sapagkat mas maraming dapat ngitian
  • tawanan
  • at ipagpasalamat.
-------------------------------------------------------------------------------------------------
sa lib, bago mag-alas dose ng tanghali.
ipinagpatuloy sa bahay, alas-diyes pm.

mahirap maging tao pero isang napakalaking oportunidad nito.

Sunday, December 13, 2009

Ang una kong pagbisita sa GK Baseco (Tondo, Manila) --walang kamatayang reaction paper.

TONDO. Pugad ng mga notorious na magnanakaw at sindikato; kandungan ng mga tagpi-tagping bahay; palaruan ng mga batang marurungis; tagpuan ng mga ipis, daga, langaw at iba pang mga nakakadiring mga nilalang na namimiyesta sa basura. Lugar ng mga maiingay na tomadero na madalas magkagulo, naghahabulan ng itak at nagbabatuhan ng bote, hindi titigil hangga’t walang matapang na aawat, at sa oras na maawat nama’y imposibleng ni isa sa kanila ay ‘di man lang napuruhan o duguan. Tambayan ng mga sugarol, tsismosa, walang trabaho, tengga, petiks sa buhay, isang kahig isang tuka, mangmang. Mahirap. Dukha. Hampas-lupa. Para sa marami, isang lugar ng kawalang pag-asa, tanging kamatayan na lamang ang tatapos sa kahirapang mula pagsilang ay kanila nang nakagisnan.

Nagtaka ako. Hindi ganito ang Tondong sumalubong sa akin noong araw na iyon, noong araw nang aming bisitahin ang Baseco – isang bahagi ng kalakhang Tondo.

Maiingay ang mga bata nang aming datnan. Lulan ng isang dyip, pinagmamasdan ko sila mula sa bintana ng aming sasakyan. Masaya, bawat isa’y may nakasukbit na bag sa kanilang mga balikat o likuran. Maya-maya’y isang traysikel na walang bubong ang dumaan, lulan ang mahigit-kumulang dalawampung batang maliliit, animo’y isang parada tuwing Mayo. Sumunod pa ang isang pedikab na minamaniobra ng isang binatilyong marahil ay trese o kinse ayos ang itsura, lulan pa rin ang maraming bata na ilang saglit lamang ay makaka-uwi na rin sa kani-kanilang mga tahanan. “Piso o dos siguro ang bayad nyan bawat isa,” hula ng isa kong blockmate. Uwian na, kaya pala.

Ilang sandali pa, isang naka-asul na babae ang lumapit sa amin at kami’y pinatuloy sa isang makulay at pahabang ‘hall’. Salamat sa kanya at kami’y naka-iwas sa mainit na dampi ng nakatirik na araw noong hapong iyon. Sa loob ng hall ay ilang painting ang makikita sa konkreto nitong pader. Makulay at tila masayang nagtutulungan ang mga taong nakapinta sa mga larawan sa pader o sa maikling salita’y mga ‘mural’. Sa isang whiteboard nama’y nakalimbag ang lyrics ng isang awiting pansimbahan. Kako, “Siguro church ‘to dito.”

Nalaman na lamang namin na ang babaeng nagpatuloy sa amin sa makulay na lugar ay isa pala sa mga tagapangasiwa ng GK Baseco. Ito na pala ang GK site, kaya pala makulay. J

Ilang minuto din naming binaybay ang piling mga bahagi ng GK Baseco. Pakiramdam ko, wala ako sa sinasabing ‘Tondo’. Para ngang naglalaboy lamang ako sa lugar namin sa Antipolo – ang Tubigan. Tulad sa aming lugar, maayos rin ang mga kalsada roon, mas malawak pa nga ang sa Baseco kumpara ng sa amin. Kung tutuusin, nasiyahan talaga ako sa paglibot sa GK Baseco, hindi lamang dahil sa makukulay ang mga bahay roon, ngunit dahil na rin sa mga senyales ng pag-unlad ng bawat pamilyang naninirahan dito. Karamihan sa kanila ay may kani-kaniya pinagkakakitaan, may suplay ng kuryente at tubig at may sapat na espasyo sa kanilang mga tahanan para sa iba pa nilang gawain sa araw-araw: ginawa nilang taniman ng mga gumagapang na gulay ang pagitan ng bubungan ng kanilang mga bahay, may mga puno rin doon bagamat hindi pa sila ganoon kalaki para masilungan tuwing siesta.

Sa isang learning center na pinatayo ng Proctor & Gamble kami tinipon para makinig sa isang maikling introduksiyon ukol sa pagkakatatag at pagpapatuloy ng buhay sa GK Baseco. Ayon sa kanila, isang malaking ‘factor’ ang Panginoon upang maisakatuparan ang mga plano ng Gawad Kalinga hindi lamang sa Tondo kundi pati na rin sa iba pang bahagi ng Pilipinas. Ang Panginoon ang nagtataglay ng pinakamalakas na puwersa na bumubuklod sa mga tagapagtatag ng mga GK sites sa ating bansa. Kaalinsabay nito ang kagustuhang matulungan ang ating mga kababayang mahirap at ang inisyatibong paunlarin ang bawat pamilya kahit sa maliit nilang mga paraan.

Nakatutuwa lamang pong isipin na sa likod ng tagumpay ng isang gawaing may layuning hindi nakapokus sa pansariling ‘recognition’ ay naroroon ang malakas na impluwensya at gabay ng Diyos. Ang GK Baseco ay isa lamang po sa mga ebidensya sa totoong buhay na ang pagkilos ng Panginoon ay hindi nangangailangan ng malawakang pagkilala bagkus ay patuloy lamang nitong pinaparami ang kabutihang naidudulot sa mga taong nagtitiwala sa Kanya.

Sa nasaksihang kong sinasabing pagbabago sa Baseco noong araw na iyon, masasabi kong ang ginagawang pagtulong ng Gawad Kalinga sa mga Pilipinong salat sa buhay ay hindi natatapos sa pagtatayo lamang ng bahay. Ang pagkakaroon ng matiwasay at maayos na pamamahay, para sa akin, ang nagbigay ng lakas ng loob sa kanila upang ibangon ang sarili mula sa pagkakasadlak sa paanan ng kahirapan.

Uwian na. Sa aming pag-alis sa Baseco noong hapong iyon, napagtanto ko ang isang bagay na maaari kong ihambing sa isang tao: anumang dumi ang nakakapit sa kanyang pagkatao, hindi imposibleng siya’y magbago tungo sa kabutihan basta’t gusto niya at handa siyang muling bumangon. Naalala ko tuloy ang mga salitang nakalimbag sa likuran ng t-shirt ng isang tagapangasiwa sa GK Baseco: GOD IS ENOUGH. #

TRIBU: Bawal Pumasok Dito ni Jim Libiran - reaction paper sa nstp.

“Sabi ng tatay ko, ang Tondo ay para lang sa mga matatapang.”

Sang-ayon ako sa linyang itong madalas sambitin ng batang isa sa mga bida sa indie film na pinamagatang Tribu. Mula nang ako’y magkamalay sa existence ng Tondo, karahasan at panganib ang mga naghaharing imahe sa aking balintataw at magpahanggang ngayon ay ganito pa rin naman ang pagtingin ko sa nasabing lugar.

Sa aking pagkaka-alam, sa Tondo rin lumaki ang isa sa mga kontrobersyal na bayani ng ating bansa – si Andres Bonifacio. Bakit kamo siya naging kontrobersyal? Sapagkat si Bonifacio, di tulad ng karamihan sa mga kinikilalang bayani ng Pilipinas, ay isang dukha, isang taong lumaking pinagkaitan ng kaginhawahan sa buhay ngunit hindi ng katapangan at pagmamahal sa kalayaan.

Tulad ni Bonifacio, ang mga gangsters sa Tondo ay walang kinatatakutan. Kumbaga, ‘mata sa mata, ngipin sa ngipin.’ Buhay ang kinuha, buhay rin ang kapalit. Hindi sila papayag na sila’y maloko-loko lamang ng ibang gang o madehado sa isang duelo sa pagitan ng mga magkakalabang panig. Bawat grupo’y may reputasyong pinanghahawakan, may kapatirang tila mahirap matibag. Tanging pinagkaiba nga lang nila’y ang hilig ng mga gang na ito sa paghahayag ng kanilang saloobin sa pamamagitan ng ‘pagrara-rap.’ Sila’y mga hiphop gangs sa madaling salita, at malamang ay wala pang ganitong uri ng pamamahayag noong panahon ni Bonifacio.

Naging mas malinaw pa ang aking pang-unawa sa buhay-Tondo dahil sa pagganap ng isang bata bilang isang ‘karaniwang paslit’ sa nasabing lugar. Laboy, ma-usisa, inosente at mabilis maimpluwensyahan. Sa kaso ng batang bida, naiintindihan ko ang unti-unting pagkamuhi niya sa mga tao, partikular na ang mga lalaking madalas na kasiping ng biyuda na niyang ina. Sa aking pakiwari, basta’t makaraos sa pagsiping ay wala nang iba pang ‘concern’ ang mga ito – kahit pa makita sila ng kanilang mga anak o marinig ng ilang mga kalapit-bahay. Sino ba namang anak ang magnanais na makita ang kanyang ina o ama na may kinakasamang ibang tao hindi ba? Kung ako ang nasa sitwasyon ng bata, mas pipiliin ko pa sigurong magpakalayo kaysa araw-araw na masaktan sa katotohanang sirang-sira na ang aming pamilya.

Sa isang banda, kung ibabatay ko ang pag-intindi sa panig ng ina ng bata, marahil ay nagagawa lamang niya ang ganoong bagay dahil na rin sa kahirapan. Hindi na siguro bago sa atin ang mga inang nagbibigay aliw sa mga kalalakihan para lamang may ipanlaman sila sa sikmura ng kanilang mga anak. Marahil ay nagawa lamang din niya iyon sa kadahilanang nais niyang makalimot sa mga problemang kinakaharap hindi lamang ng sarili niyang pamilya kundi ng mga taong nasa paligid niya. Ngunit, alam naman nating lahat na ang karahasan at pagtatanggal ng respeto sa sarili ay hindi solusyon sa ating mga pasanin.

Isa ring nakamamanghang accomplishment ng buong production staff ng Tribu ang pagkakaroon ng isang tunay at mabuting kapatiran habang ginagawa ang pelikula. Ayon nga sa acceptance speech ni G. Libiran, direktor ng tribu, noong ginawaran ang Tribu noong ika-29 ng Hulyo 2007, "Nananawagan po ako sa mga pulis ng Maynila, 'yun pong mga hinuhuli ninyong mga bata ng Tondo ay mga Best Actor na po ngayon [malakas na cheer mula sa mga manunuod]. Meron pong ibang paraan para matigil ang mga riot sa Tondo at sa iba pang mga Tondo sa Pilipinas. Parang awa n'yo na, huwag po ninyong patayin 'yung mga bata. Baka sa kanila manggaling ang susunod na National Artist." Wala na sigurong hihigit pa sa nakamtan ng mga taong nagtulong-tulong sa pagtapos ng indie film na ito. Kung noong bago pa lamang magsimula ang paggawa sa pelikula ay walang ibang pinangarap si G. Libiran kundi ang sumikat at yumaman, nang matapos nila ito’y naglaho ang mga pangarap na iyon. Dahil naging isang malaking hamon para sa kanya ang indie film na ito, tagumpay nang masasabing bukod sa sila’y natapos at nagawaran ng maraming parangal ay nagdulot pa ito ng isang malaki at napakabuting pagbabago sa kabataang gangsters ng Tundo.

Hindi nakapagtatakang deserving nga ang Tribu sa paghakot sa mga award bilang Best Film (in Full Length category), Best Actor, at Best Sound. Habang pinapanood ko kasi ang yaong pelikula, para bang nanunuod lamang ako sa isang recorded na mga pangyayari sa Tondo na kuha ng isang malikot na hidden camera. Ang realidad sa Tondo, kahirapan, karahasan, kamangmangan, kamusmusan, krimen, at marami pang masasalimuot na katotohanang maaari pa rin nating makita o madama ay siyang nagsilbing ‘tagamulat’ sa mga manonood. Hindi ko maitatanggi na may ilang eksenang hindi ko komportableng makita, ngunit dahil ang Tribu ay nakapokus sa kung ano naman talaga ang nangyayari sa Tondo, aking napagtanto na bilang isang mamamayan, ang pinakamagandang paraan upang malaman ang solusyon sa mga suliranin ng lipunan (halimbawa ay ang mga gang sa Tondo) ay ang makita o masaksihan ang mga (suliranin) ito.

Tunay ngang ang Tondo ay para lamang sa mga matatapang. #

socsci reaction paper: Love in the Time of Cholera.

Kawawang kamalayan.


Love in the Time of Cholera. Ito ang pangalawa sa lahat ng mga pelikulang napanood ko na talagang nagdulot ng kakaibang impact sa aking kamalayan, hindi man sa kasalukuyang panahon, hindi man sa Pilipinas. Bakit ko nasabing kawawa? Ito ay sa kadahilanang pilit kong inilalayo ang aking sarili sa mga bagay na may kinalaman sa sex, pakikipagrelasyon sa opposite sex at maging sa ‘pag-ibig’ sa isang tao. Ngunit sa paaralang ito, wala akong karapatang tumanggi sa anumang ipasaksi sa aming mga mag-aaral, maging ito man ay requirement o hindi. Sapagkat karamihan sa mga katotohanang aking natutuklasan sa buhay ay sa labas ng paaralan ko natatagpuan.


Tulad ng isang karaniwang love story, ang kabuuan ng pelikula ay tumutukoy sa kasalimuotan ng buhay ng isang lalaking (Florentino Ariza) walang inasam kundi ang siya’y ibigin ng babaeng (Fermina Daza) nagpatibok ng kanyang puso at nagparamdam sa kanya ng tinatawag na pagmamahal. Ngunit dahil ang kalakaran ng pag-aasawa noong mga panahong iyon ay nakabatay sa social at financial status ng isang tao, hindi nagawang pakasal ni Fermina sa isang hamak na telegram operator na si Florentino, bagkus ay sa isang doctor (Dr. Juvenal Urbino) na siya na ring natipuhan ng ama para sa kanya. Bagamat minamahal din naman ni Fermina ang sawim-palad na si Florentino, mas pinili pa rin niyang mamuhay bilang isang babaeng may asawang kanyang maipagmamalaki, at bilang isang asawang maipagmamalakai rin ni Juvenal. Ito ang pinakadahilan ng kasawian sa pag-ibig ni Florentino, at siya na ring nagtulak sa kanya para iusad ang sarili patungo sa karangyaan at sa sensual na pakikipagrelasyon, partikular ang pakikipagsiping, sa napakaraming kababaihan – bagamat malaking bahagi pa rin ng kanyang pagkatao ang walang hanggang pag-ibig kay Fermina.


Kung ating susuriin, isang typical na kwento ang ipinapakita ng pelikulang ito: dalawang taong nag-iibigan, hinadlangan ng lipunan, dynamic na pagbabago sa mga karakter at isang happy ending. Ito marahil ang kondisyon ng lipunan sa Colombia noong mga panahong iyon, at kung ihahambing sa ating lipunan noon ay malaki ang posibilidad na magkapareho ang mga ito. Nangyari ito kasabay ng kasalukuyang pananakop ng mga Espanyol noon sa ating bansa. Ito ay yaong mga panahong usong-uso ang ‘arranged marriage’ hindi lamang sa mg Pilipino-Espanyol kundi pati na rin sa mga Sangley (Chinese) na naninirahan sa ating bansa. Kumbaga, kung nais magpakasal ng isang lalaki sa iniibig na babae, lalo na kung ito ay anak ng isang ilustrado o isang mestizo, nararapat lamang na siya’y may salapi at may reputasyong pinanghahawakan sa lipunan.


Sa kabilang banda, isang malaking pagkakaiba ng lipunang Colombian at lipunang Pilipino noong mga panahong iyon ay ang pagiging konserbatibo ng nahuli. Sa Colombia, ang isang lalaking may salapi, may pinag-aralan at may pangalan ay may malakas na loob para ‘magkaroon ng maraming babae’ siya ma’y may asawa o wala. Ang ilang mga babae nama’y kahit na may asawa na eh nagagawa pa ring makipagsiping sa ibang lalaki para sa sexual pleasure. Samantala, ang mga Pilipinong lalaki naman ay kinakailangang magsikap na magkaroon ng magandang status sa buhay para matanggap ng babaeng kanyang natitipuhan; at ang mga babae naman, may asawa man o wala, ay tanging ang tahanan lamang ang mundo at walang ibang iniintindi kundi ang kapakanan ng asawa, anak at ang pagiging madasalin sa Diyos.


Bilang paglalahat, malaki at malakas ang bahagi na ginamapanan ng lipunan sa kung gaano kaginhawa o kasalimuot ang magiging buhay ng isang tao hindi lamang sa estadong sosyal at pinansyal kundi sa lahat ng aspeto ng buhay, maging sa pag-ibig. #



--grabe 'tong movie na 'to. pero ayon sa mga nabasa ko sa web na reviews dito, nadistort ata ung story dahil iba din ung nasa novel. tsktsk. para san nga ba talaga ang pagcoconvert ng isang nobela sa isang pelikula? pera o emphasis? tsktsk.

Thursday, September 10, 2009

anlakas ng 'trip' sa corregidor: isang reaksyon

Bata pa lang ako, palaisipan na para sa akin ang mga nilalaman ng isla ng Corregidor. Batay sa mga paglalarawan at mga programa sa telebisyon na gumagawa ng lathala ukol sa lugar na ito, isang nakakatakot at misteryosong impresyon ang matagal na nanatili sa aking isipan hanggang sa mga sandaling yumapak ako sa kalupaan ng nasabing isla.

Binabaybay pa lang namin ang kahabaan ng Manila Bay patungo sa Corregidor, hindi ko maiwaglit sa aking mga pagmumuni-muni ang hitsura ng isla na ilang sandali lamang ay tatambad na sa aking gutom na paningin. Dahil na rin sa pangungulit ko at ni Arlene, nakaakyat kami sa itaas na bahagi ng ferry at nakalanghap ng sariwang hangin mula sa dagat na may kasama pang kaunting mga tilamsik ng tubig. Bagamat medyo nahihilo-hilo ako sa biyahe - sapagkat iyon ang unang pagkakataon kong sumakay sa isang ferry at maglakbay sa karagatan – nakatulong ang pagka-aliw ko sa mga alon at pagkanta kasama ng ilang mga kamag-aral upang maiwasan ang matinding pagkahilo na maaaring humantong sa paglabas ng ‘sama ng loob’ mula sa aking sikmura.

Hindi nga ako binigo ng aking mga ‘inaasahan.’ Sa daungan pa lamang ay tanaw ko na ang nakabibighaning kagandahan ng isla na tila nag-aanyaya sa mga kadarating pa lamang niyang mga bisita. Kakaibang pakiramdam ang pumuno sa aking dibdib – kasiyahan, pagkamangha, pagkasabik. Nang mga oras na iyo’y sigurado na akong sulit ang ‘trip’ na ito at talagang hahanap-hanapin ko ang atmospera sa Corregidor na siyang ibang-iba kung ikukumpara sa kapaligiran natin sa Maynila.

Sa sobrang babaw ng kaligayahan ko, tuwang-tuwa talaga ako na makasakay sa ganoong uri ng bus, o ‘bus’ man kung iyon ay tawagin. Hindi ko na nga naitanong pa kung anong tawag sa ganoong uri ng sasakyan; ang alam ko lamang ay kahawig ito ng mga pampublikong sasakyan noong bandang 1800’s na kung dati ay sa larawan ko lamang nakikita ay nasakyan ko na rin sa wakas.

Nagsisimula pa lamang ang tunay na pagtuklas sa isla at ako’y siyang-siya na.

Si Kuya Bob ang tour guide namin noong araw na iyon. Sa kabila ng kanyang katandaan, malinaw at nakaaaliw pa rin niyang naisalaysay ang mga detalye ng mga makasaysayang lugar na aming dinaanan. Tila nga ka-edad lamang namin si Kuya Bob dahil ‘nakakasakay’ pa rin siya sa kalokohan at pag-iingay namin – bagay na nagpapatunay na mas mainam na tawagin siyang ‘Kuya Bob’ imbis na ‘Lolo Bob’ o ‘Ka Bob’. J

Ang mga ruins ang pinakapopular na yaman ng isla ng Corregidor. Mula sa tirahan ng mga sundalo, hanggang sa tirahan ng mga bomba at kanyon, o maging hanggang sa hantungan ng mga pumanaw na sundalo, Pilipino o dayuhan man, masasabi kong na-preserve nang mabuti ng mga tao sa isla ang mga ito. Hindi man maiiwasan ang ilang ‘vandal’ sa mga pader, sa pangkalahatan ay nanatili pa rin ang pagiging makasaysayan ng mga ruins. Sa katunayan ay iba ngang talaga ang pakiramdam sa tuwing pumapasok kami sa mga ruins na iyon – pagkamangha, takot, pagkasabik. Ngunit sa totoo lang, mas nangibabaw ang pagkatakot ko sa mga guho, malamang ay dahil na rin sa hitsura ng mga ito – lumang luma at madilim – at sa mismong istruktura o pagkakagawa – sa ilalim ng lupa, sa mga tila kweba at iba pa.

Sapagkat ang Corregidor ang nagsilbing battlefield noong kasagsagan ng digmaan, hindi ko na ipinagtaka pa kung bakit kabi-kabila ang mga kanyon, bala, at mga ‘peklat sa lupa’ na dulot ng pambobomba. May isang bagay lamang akong napagtanto dahil na rin sa pagiging mapanuri ng isa kong kamag-aral: hindi na namin naabutan ang mismong hitsura ng mga kanyon na ginamit noon sa digmaan. Maayos ang mga ito nang aming datnan, di tulad ng mga ruins na akala mo’y hindi man lamang nagalaw o napukpok ng martilyo; ang mga kanyon ay bagong pintura, hindi halatang lumang mga modelo bagamat nakamamagha ang laki. Gayunpaman, naiintindihan ko kung bakit may ilan sa mga kagamitan noong digmaan ang ni-renovate, ika nga. Para sa akin, maaaring mahirap nga magmaintain ng mga metal na materyal, at napakagandang halimbawa nito ay ang mga kanyon. Sa tinagal-tagal ba naman ng pananatili ng mga ito sa bawat ‘battery’ eh naka-ilang danas na rin sila ng matinding sikat ng araw o pagbagyo. Marahil ay kung hindi nagawang ‘ayusin’ ang mga nasabing kanyon, kalawang lang ang mapapala ng modelong mga digicam na dala ng aking mga kamag-aral.

Nabanggit ko sa naunang talata ang tungkol sa mga ‘peklat sa lupa’. Sa totoo lang, nakamamangha na makita pa ang lamat ng pagsabog ng bomba sa lugar na iyon. Tunay ngang doon lumanding ang ilan o isa man sa mga bombang pina-ulan ng mga Hapon dahil na rin sa lalim nito mula sa patag na bahagi ng lupa. Tiyak na napakalakas ng impact ng bombang sumabog doon sapagkat kung eestimahin ay halos anim na metro yata ang diameter ng ‘uka’ na iyon. Ang nakakatuwa pa niyan, isang puno ng aratiles ang tumubo sa gitna ng uka at malagong malago ang puno bagamat di namin gaano napansin ang mga bunga.

Isa pa rin sa mga ‘highlights’ ng aming paglilibot ay ang museum kung saan makikita ang ilan sa mga bagay na ginamit ng mga sundalo noon, mula sa pares ng kutsara’t tinidor hanggang sa mga barya at patalim na kalawangin na. Hindi ko malilimutan ang nakita kong bala ng kanyon na may naka-ukit na hubad na katawan ng isang babae – nagulat ako nang mapansin ko iyon ngunit nang maglaon ay tinawanan ko na lamang ito, bagamat may ilang ideya ang naglagalag sa aking isipan nang mga oras na iyon, o maging hanggang ngayon inaamin ko. Nasabi ko na rin lang naman, kutob ko lamang na hindi nawawala ang mga ‘babae’ bilang inspirasyon ng mga sundalo noon, lalo na kung pagtutuunan natin ng pansin ang katotohanang pulos kalalakihan ang nagsisilbi sa militar noon pa man. Nakatutuwa lang isipin na sa lahat ng bagay na maaring ukitan ng ganoong larawan, sa bala ng kanyon pa. J

Isang magandang simbolo din ang isang istatwa kung saan akbay-akbay ng isang sundalong Amerikano ang isang sugatang Pilipino. ‘Brothers in Arms’ ang katawagan sa monumentong iyon at malinaw nitong ipinapahiwatig ang matatag na kapatiran sa pagitan ng Amerika at Pilipinas noong digmaan. Naalala ko tuloy ang isang biro ng aking kamag-aral; napansin kasi niya na ang Amerikano ang ‘naka-alalay’ sa Pilipinong ‘injured’ kaya bigla niyang natanong sa isang sarkastikong pananalita, “Bakit yung Pilipino lang ang sugatan?!” Muli, isang pahiwatig ang nais na makakawala. Isang pahiwatig na magdadala sa atin sa ibang anggulo ng sanaysay na ito kaya’t hindi ko na palalawakin pa.

Samantala, bumaligtad naman ang aking mga ekspektasyon sa Malinta Tunnel. Akala ko’y isang pagsasadula ang ipapakita sa loob niyon – yung tipong may mga aktor at aktres sa isang malawak na entablado. Hindi ko inaasahang ‘teknolohiya’ ang magpapa-andar sa nasabing palabas, ngunit batid ko rin naman ang kagandahan ng ganoong paraan ng pagsasalaysay sa mga pangyayari kaugnay ng Malinta Tunnel at Corregidor island. Nagkaroon man ng pagkukulang sa lubos na pag-intindi sa kasaysayan ng nasabing lugar, iyon ay mas napansin ko sa panig naming mga studyante. Hindi kasi interesado ang iba upang makinig at umalam.

Hindi ko rin matatawaran ang lubos-lubos na pagkawili sa kabuuang kapaligiran ng Corregidor. Sabi ko nga, ibang-iba ang atmospera roon kaysa sa Maynila. Matagal man ang byahe mula sa isang ‘hotspot’ patungo sa isa pa, hindi naman ako nagsawa sa pagmamasid sa mga puno at mga halamang naroroon. Pakiramdam ko’y nakikiisa ang kapaligiran sa aking pagkatao; dahil ako’y isa ring self-confessed na ‘nature lover’. Ilan sa mga hindi ko malilimutang mga nilalang na aking nakita ay ang kulay asul na ibon na nagpapahinga sa isang sanga ng puno malapit sa kalsada na aming binabaybay; ang tila isang lawin sa himpapawid na napakataas ng lipad na aking tinitingala mula sa may dalampasigan; at ang mismong dalampasigan kung saan napakaraming mga bato at shell ang nagkalat para mai-uwi ng mga turista kung sakali, o kung hindi man ay patuloy na sumunod sa paghele ng mga alon.

Hindi ko na ininda pa ang pagod mula sa paglalakbay dahil sa mga naranasan at nakita ko sa isla ng Corregidor kahit sa loob lamang ng halos limang oras. Sulit na sulit na iyon para sa akin; tila nga bumisita lamang ako sa isang ‘shrine’ tulad ng kina Aguinaldo sa Cavite o kay Rizal sa Calamba. Pero higit pa sa pagkabusog ng mata at sikmura ang aking nakamtan – at iyon ay pagkabusog ng pagka-Pilipino. Ang Corregidor ay simbolo ng ating paglaban para sa kalayaan, na kung hindi itinakdang mangyari ng Diyos ay ‘di natin malalasap ang soberanyang taglay ng ating bansa ngayon. Ang kalayaan at karapatan ng mamamayan na paunlarin ang sariling niyang bansa. At ang dangal at paninindigan na sa kabila ng maraming kakulangan ng ating mga kabayayan sa mga malalakas na instrumentong pandigma noon, isang malakas nilang sandata ang katapangan, determinasyon at pagmamahal sa bayan upang sa huli ay ganap na mapasakamay ang tagumpay.

At para naman sa mga susunod na mapapadpad sa isla ng Corregidor, nawa ay sulitin nila ang pagkakataong yaon hindi lamang basta sa pamamasyal at pagkuha ng larawan kundi sa paghuhubog sa kaisipang nasyonalismo na sa panahon natin ngayon ay unti-unting nang nawawalan ng tunay na esensya.

***

--hai corregidor. parang isang kisap mata lang ang pagsilay ko sa'yo. waaaa. pero sulit talaga. napakaganda don. kaya... babalik ako don! at hindi lang ako! someday! ulet! :)

sa mga mambabasa: hindi ba't mas masarap sa pakiramdam na saksihan ang sarili nating mga likas na yaman? kaya bago natin planuhing libutin ang mundo, diskubrehin muna natin ang ating tinubuang lupa. :) "mayaman ang ating bansa, hindi lang tayo naniniwala sapagkat hindi pa naman natin nakikita." --Henonica.