Monday, August 10, 2009

eh ano ngayon?

august ten ngayon.. last day na nung sale sa ukay ukay na lagi kong sinisilip dun sa may singer pag nagbabyahe ako pauwi.. buti na lang nakahabol ako.. hahaha.. timing nga naman. hahaha..

august ten ngayon.. lunes.. ganon pa rin.. nalulungkot pa rin ako sa tuwing natatapos ang huling klase ko pag lunes, martes, huwebes at biyernes.. math17.. pakiramdam ko ang-slow ko talaga.. o masyado lang talagang mabilis ang discussion.. wala naman akong magawawa.. kailangan naming tapusin ang algeb at trigo ngaung first sem.. kaya naman... ako... LABAN!

august ten ngayon.. katulad ng mga nagdaang araw mula nang mauso ang K-pop, umaga pa lang, napapanting na ang tenga ko sa kantang nobadi nobadi batyu.. syempre hanggang uwian yan.. at aasahan ko ulit yan bukas ng umaga.. at sa uwian.. at.. at.. nakaka-LSS noh? nakakainis. chorus lang naman ang ingles don at bahala ka nang magimbento ng lyrics basta makanta mo. hai.

august ten ngayon.. first day ng bagong prime time teleserye ng gma.. darna.. bungad pa lang korni na. hai. anyways, nakakatawa din naman ang mga korning bagay diba? saka marami namang fans si marian rivera kaya malamang eh bebenta rin ang gma nyan..

august ten ngayon.. ilang araw na din mula nung magkainitan ang usapan sa pagitan ng block1 at block2 sa isang meeting. nakakagulat na nakakainis na nakakaewan na nakakatawa.. yun ang mga pangyayaring bunga ng kakulangan ng maayos na komunikasyon.. kolehiyo nga naman.

august ten ngayon.. pangalawang lecture exam namin kanina sa bio.. sana mataas ang makuha kong grade.. angweird talaga ng pagrerebyu ko nung Sunday night.. tama bang maggitara nang dis-oras ng gabi? hahaha. hindi kasi ako mapakali. buti na lang maganda ung chords ng better than life na nakuha ko sa net.. weeee.

august ten ngayon. . .

august eleven na pala bukas..
*sigh*

Tuesday, April 28, 2009

eto ung intro para sa batch8 nung grad.. [pinasa s ken ni madam lorna] :)

(forti)
“It is not life that counts but the fortitude you put into it.”

Ang buhay estudyante ay isang pakikibaka,
isang paglalakbay, at pakikipagtunggali sa buhay.
Isang pakikihamok sa loob ng eskwelahan,
at sa apat na sulok ng silid-aralan.
Isa itong paghamon sa tapang at kalakasan,
patungo sa tagumpay na pinapangarap, inaasam.

Hayaang mga pakpak namin ay aming ikampay,
at liparin ang kalangitan sa bisa ng karunungan.

(humi)
“Humility makes great men twice honorable.”

Sa lahat ng tagumpay na aming nakamit,
sa lahat ng papuring para sa amin ay nasambit,
sa lahat ng parangal na ipinagkaloob,
sukli nami’y mga ngiti at kababaang-loob.

Sa aming paglisan sa Inang Paaralan,
baon nami’y mga ala-alang ‘di kalilimutan,
sa aming pagtuntong sa tunay na daigdig,
kaalamang nakamit ang matibay na katig.

Hangad nami’y ibandila itong pandayan ng karunungan,
at matamo ang karangalan para sa bansa at lipunan.

(perse)
“Great works are done not by strength but by perseverance.”

Hindi lamang lakas ang marapat sandalan,
sa hangad na makamit yaring katagumpayan,
pagsisikhay at pananalig sa Poong Maykapal,
mas mabisang sandata sa kahit anupaman.

Sa pagtatapos namin ay kasamang babaunin,
Maningning na kasaysayan ng pagsasamahan,
Hangad nami’y maalala ng mga guro’t kamag-aaral,
At yakaping mahigpit ang mga natutunang aral.

Isa itong pagpupugay sa tagumpay na natamo,
Taas-noong ipagmalaki, tayo ay BATCHWALO!

-->likha ni G. Berlin Flores

Tuesday, March 24, 2009

taloompateee daw.

Sa mga pinagkakapitagang panauhin, sa mga guro ng paaralang ito na pinamumunuan ng ating kagalang-galang na punnongguro, Gng. Ma. Elena V. Bernardo, sa aming minamahal na mga magulang, mga kapwa magsisipagtatapos, mga kaibigan, isang magandang/mapayapang gabi sa inyong lahat.

Dumating na sa wakas, ang sandaling ito, bagamat nakalulungkot harapin dahil sa nalalapit na mga pagpapaalam, ay siya namang magbubukas ng bagong pinto sa panibagong mga karanasang sasalubong sa hinaharap sa bawat magsisipagtapos ngayong gabi.

Naging isang malaking hamon para sa akin ang pagpasok sa paaralang ito. Unang-una, hindi ko ginustong pumasok sa RiSci dahil may mga bagay noon na akala ko’y hindi ko kayang mabuhay nang wala sa aking tabi. Batang-isip pa nga ako noon kung tutuusin, at pulos sariling kapakinabangan lamang ang aking iniisip. Ngunit nakita ng aking mga magulang ang isang bagay na noo’y ‘di ko pinagbabalingan ng pansin – ang aking kakayahan. Kaya’t bagamat labag sa aking loob noon ay sinunod ko ang kanilang kagustuhan, at malamang-lamang, ito rin ang kagustuhan ng Panginoon, na siyang lubos kong pinasasalamatan.

Nais ko ring sulitin ang pagkakataong ito upang bigyang-pasasalamat ang mahal naming mga guro mula sa unang taon ng paglagi namin sa institusyong ito. Salamat po sa inyong walang sawang paggabay, sa pagturing sa amin bilang inyo na ring mga anak, sa mga panahong kami’y naiyak hindi dahil sa mga gawain at aralin, kundi dahil sa mga aral ng buhay na aming napagtanto dahil sa inyo. Mga aral na hindi nakukuha sa pagbabasa lamang ng mga libro, kundi sa pagbabasa ng aming mga puso’t isipan. Mga aral na nagsilbing hulmahan ng aming mga pagkatao, na siyang humubog sa kung ano kami ngayon. Muli, maraming salamat po sa inyo, sir, madam.

Masasabi nating ang edukasyon ay isang panghabambuhay na proseso. Hindi ito natatapos sa oras na tayo’y tumanggap ng diploma, ni sa oras na ang bawat isa ay maging abala na sa kani-kaniyang propesyon. Ang edukasyon ay walang katapusang pakikibaka, tulad ng pag-ikot ng panahon.

Sa kasalukuyang henerasyon, nananatiling matatag ang pagpapanatili ng pundasyon ng edukasyon sa ating bansa. Kahit kapos sa pangangailangang pinansyal ang karamihan sa ating mga pamilyang Pilipino ay nagagawa pa ring pumasok ng kabataan sa paaralan. Isang malaking patunay ang patuloy na paglaki ng populasyon ng mga mag-aaral sa mga pampubliko, maging sa ilang pribadong paaralan, na napakaraming batang tulad natin ang talagang nais makapag-aral. Patunay din ito na mas prayoridad na rin ngayon ng mga magulang ang makapagtapos ang kanilang mga anak.

Kung gayon nga ang sitwasyon, hindi ba’t napakapalad natin, hindi lamang nating mga magsisipagtapos, kundi ng lahat ng mag-aaral ng paaralang ito, tayong mga Riscians, sapagkat ilan lamang tayo sa nakaranas ng mataas sa karaniwan na kalidad ng edukasyon. Inaamin ko, bilang isang studyante, na naging mahirap ang aking pakikipagsapalaran upang manatiling buhay sa paaralang ito. Ngunit kung tutuusi’y lahat ng hirap na naranasan ko, na naranasan natin, at mararanasan niyo pa, ay nagbabalat-kayong mga oportunidad. Sa bawat pagtuntong ko sa mas mataas na antas bilang isang mag-aaral sa sekundarya, mas nakikita ko ang aking sarili bilang isang umuusbong na butil na ipinunla sa bukid.

Ang isang mabuting tanim ay nakapagbibigay ng isang mabuting ani. Ngunit hindi ganoon kadaling maging isang mabuting tanim. Sa paglaki ng isang ipinunla ay dapat lamang na handa itong tumayo sa ilalim na matinding sikat ng araw, o maging matatag sa panahon ng tag-ulan. Hindi ito nagpapa-apekto sa mga damong ligaw na tumutubo sa kanyang tabi, bagkus ay patuloy siyang kakalap ng kanyang mga pangangailangan upang mabuhay. Layunin niyang maging malago ang ani ng sinumang nagpunla sa kanya pagkat ito ang tanging paraan upang siya’y maging kapaki-pakinabang.

Sa ganitong paraan ko maihahambing ang isang tulad ko, tayo, ang kabataan. Ang ating buhay sa ngayon ay marapat lamang na nakatuon sa oportunidad na walang sawang inihahandog sa atin ng ating mga magulang, ng pamahalaan at ng lipunan. At iyon ay ang edukasyon. Isa sa mga susi sa likod ng lahat ng pagtatagumpay ng isang indibidwal, at ang yamang walang sinuman ang maaaring magnakaw. Ito ay kaagapay ng matatag na pananalig sa Diyos na siya namang nagtutulak sa ‘tin upang gumawa ng kabutihan. Sa oras na mabalanse natin ang dalawang ito, tiyak na isa na rin tayo sa mga kapaki-pakinabang na punla ng ating bansa.

Para sa mga kapwa ko magsisipagtapos, patuloy nating lakbayin ang karunungan, kaalinsabay ng kabutihan, nang sa gayo’y tayo’y maging mabubuting mamamayan ng ating bayan. Ang kagandahan ng buhay ay hindi nababatay sa pansariling kasiyahan, ngunit sa mga pagkakataong nakakamit ang kasiyahan ng ating kapwa nang dahil na rin sa atin.

Muli, isang magandang.mapayapang gabi sa inyong lahat.#

Tuesday, November 11, 2008

Imahe-nasyon.

Pinoy.

Langgam: kung san may asukal doon ang puntahan. Kapag naubos na’y siya nang iiwan, malabong balikan.

Kugon: matinding nag-aalab kapag sinilabanan ngunit madali din namang natatalo ng amihan, apo’y tuluyan nang mawawalan.

Alimango: mahilig manghila pababa nang pillit. Di papayag na siya lang ang gipit.

Manok: putak nang putak, reklamo’y sandamakmak. Hindi pa kuntento’y balita’y nilagyan ng pakpak.

Banlag: aynaku nariyan na nga sa tabi niya, pedestrian lane di pa nakikita. Puting linya’y inisnaban, di tama ang tinawiran.

Dayuhan: akala mo’y bisitang dumadaan’t pumaparada. Patingin-tingin, katotohana’y di naman kita.

Eto na ba, eto na ba?
Imahe ko, mo, niya
Iyak at sigaw yaong butihing ina.
“Bakit, anak ko, ikaw na’y ibang-iba?”
Anak ba’y may naririnig, ni salitang isa
O tuluyan bang puso’t isipa’y nagsara?

Oyayi sa gitna ng buhawi

“Nasa nagdadala ang ikinagagaan o ikinabibigat ng anumang pasan…”

Hindi maikakaila ang hirap ng buhay noon. Para sa isang batang tulad niya, mas nanaisin pang ipagpalit ang baong mais para sa ilang pahina ng papel, gumamit ng kanin pandikit at laway pambura. Ngunit sa isang tulad niya’y wala lamang ang mga ito sapagkat mas matumbas pa ang kaniyang pagsisikap na mapalawak ang sariling dunong kahit pa pahira-hiram lang ng libro at tumayo sa sariling mga paa.

Maaga ring ninakaw sa kanya ang kaniyang pagkabata. Mula sa paglalaro ng tansan, goma at teks, pag-akyat sa puno ng talisay at bubong ng kapitbahay, paliligo sa ulan at paghahabulan sa putikan, at pakikipagbuno sa mga kalarong mas damuho pa sa kanya; ang kanyang kamusmusang laro lang ang hanap ay agad napawi. Sa gulang na 9 ay nalipat siya sa poder ng tiyuhin upang mag-alaga sa pinsan, at tila nawala sa kanyang listahan ang laro at libang. Ang umaga niya’y kundi paglalaba ay pagluluto, saka papasok sa paaralan, pagkauwi’y mag-aaruga ng bata, tapos ay mag-aaral. Kung Sabado at Linggo nama’y tumutulong sa ina sa paglalabada at minsa’y kasa-kasama ng mga kapatid sa pagtitinda ng yema at hilaw na mangga. Pang-apat siya sa kanilang magkakapatid at sa mga panahong iyon, wala siyang sinayang na pagkakataon upang makatulong sa kanila.

Nagpatuloy ang kanyang pakikipagsapalaran sa buhay bilang isang mag-aaral sa hayskul na pinagkakasya ang limang piso para pamasahe at pangkain; siya’y naging miyembro ng teatro at koro, naging maganda ang partisipasyon sa klase at nakakuha ng matataas na marka. Kasama ng tiyaga at kagustuhang makapag-aral, ang tulak ng mga pangarap at kabig ng matatag na loob, ay siya'y nakaraos ng maigi. Taas noong umakyat sa entablado kasama ang ama ay siyay nagtapos bilang ikatlong karangalang banggit.

Subalit talagang sinusubok siya ng pagkakataon. Mga pangako nga nama’y ginawa para ipako. Sa kasamaang palad ay di siya nakapag-aral sa kolehiyo na siyang sandaling ikinadurog ng kanyang puso. Ang mga nakikinita niya at pangarap sa buhay ay tila isang barkong naglalaho sa ‘horizon’. Masakit, ngunit nagawa pa rin niyang tanggapin ang katotohanan.

Ngunit ano nga ba ang plano ng Panginoon para sa kanya?

Sya’y napasok sa isang pabrika ng electroniks sa gulang na 17. Patuloy na nakikibaka’t nagsisikap hanggang sa siya’y ipakilala sa isang payat, matangkad at maputing Bikolano na naging kapalagayan niya ng loob. Sila’y nagsasabay kumain ng sorbetes, at nagsusuyuan kundi sa may posohan ay sa may tindahan. Lumipas ang panahon at pinangalanan ang namamagitan sa dalawa, at iyon ay pag-ibig. Sila’y ikinasal at nagbunga sa apat ang tunay na pagmamahalan.

O buhay nga nama’y isang pagsubok. Naging mahirap ang simulain nila pagka’t siya’y isang batang ina. Naritong uuwi ang asawa mula sa pagpapasada ng dyip at sila’y masaya na’t magsasalo sa ilang pakete ng noodles at ilang pirasong daing. Mangyari din na muntik pang mapalayas sa sariling tahanan sa mga kondisyong 'di naman makatwiran. Ngunit siya at ang kanyang pamilya ay nanatiling matagtag, at sa sikap ng asawa’y sila’y nakapagpatayo ng sariling negosyo.

Marahil ay hindi ganoon kadaling tumayo sa sariling mga paa, lalo na’t sarili lang nila ang kanilang inaasahan. Palibhasa’y subok na ang pagsasama, naging pundasyon ito sa maayos na pagmamaniobra sa liku-likong daan ng buhay, kaalinsabay ang mainam na pamamaraan ng pagdidisiplina sa mga anak at matinding pasensya bilang mga baguhan sa industriya ng kalakalan.

Dumating din ang pagkakataong sunud-sunod na nagbanta ang mga sakit sa kanyang buhay. At halos hindi na makagawa sa bahay dahil sa mga nadarama. Sakit nga nama’y di dapat inaalagaan, kaya’t naroong siya’t tila walang karamdamang nagpatuloy sa pamumuhay ng normal. Awa at salamat sa Diyos, nagsawa sa kaniya ang mga sakit at sa katawan niya’y lumisan.

At ngayon, siya’y isang masayang ina, na sa bawat pagtapak ko sa kaniyang tahanan ay ako’y sasalubungin ng ngiti; isang ngiting alam mong hindi natitinag, anumang unos ang dumaan. At sa tuwing siya’y aking pagmamasdan, naroroon ang kakaibang pakiramdam ng awa, paghanga, galak, pagmamahal. Ang babaeng tila kawayan, na sa paghagupit ng hangin at ulan ay mapapayukod ngunit muling tatayo, patunay na bagamat ang buhay ay isang matinik na landasin, walang imposible sa isang matatag na puso. #
___________________________________________________________________
kahit sino mahuhulaan kung sino 'to.. :)

Munting bituin

Isang gabi’y umaasa akong sa aking pagtingala sa kalawaka’y lalantad ang pagkarami-raming maliliwanag na tuldok… ang mga bituing siyang ganda ng kalangitan. Sa aking gulat ay tila walang nagpakita noong gabing iyon, ngunit patuloy pa rin akong nagmasid, at naghintay at naghanap. . . at ako’y nagtagumpay. Lumitaw ang isang talang di-kaliwanagan, bagamat tila may kakaibang dating kaya’t halos natitigan ko nang matagal.

At saka ko napagtanto…
Ang kagandahan ng isang bituing nagliliwanag at tumalo sa kadilimang nagtatangkang maghari-harian sa kasagsagan ng gabi. Tulad ng isang kandilang hanap-hanap ng mga takot at nag-aalalang mata ng isang pamilya sa loob ng isang tahanang di nabiyayaan ng daloy ng dagitab.

At tulad ng isang batang sa ngalang Magnifico, na sa kabila ng hagupit ng kahirapan at pagdurusa sa buhay ay nagsilbing isang bituin sa mga taong muntik nang lamunin ng dilim ng kawalan ng pag-asa. Sa kamusmusang di naparam ng madalas na di pag-ayon sa kanya ng kapalaran. Isang paslit na bagamat mangmang kung husgahan ay nagtataglay ng pusong kalugud-lugod nang tulad sa isang anghel na sugo ng Maykapal.

Si Magnifico na ang mga mata’y maagang namulat sa realidad ng buhay; ngunit sa isang pananaw na sa likod ng bawat pagsubok ay sumisilay ang kaiga-igayang sinag ng araw sa umaga. Gaya din sa tuwing pagtila ng isang malakas na ulan ay namumutawi ang kakatwang arko ng mga kulay – ang bahaghari na simbolo ng pag-asa.

Si Magnifico, na may paniniwalang “hindi porket matanda na ang isang tao’y hindi na niya kailangan ng tulong…” sapagkat nakita niya ang sitwasyon ng kayang lola na dumaranas ng matinding sakit sa lapay; at kanyang lihim na ipinaghanda ng mga detalye para sa libing sa oras na mamatay ito.

Si Magnifico, isang tunay na kaibigan sa oras ng pangangailangan, ipagtatanggol ka sa mga mapang-api, pangingitiin ka sa gitna ng kapighatian, at kasabwat sa kalokohan.

Siyang batang Maginifico, na magtuturo sa’yo ng mga payak na bagay sa buhay, tulad ng matiyagang paglalakad sa kabila ng layo ng patutunguhan. Magpapakita ng kahalagahan ng mga salitang “Maraming salamat po” at “Pasensya na po.”

O siya ngang si Magnifico, na hindi titigil hangga’t hindi mo siya pinaniniwalaan sa katotohanang nais niyang iparating sa iyo sapagkat iyon nama’y para sa iyong kapakinabangan.

Si Magnifico, isang mapagmahal na kuya, na di alintana ang pagod basta’t mapasaya lamang ang nakakabatang kapatid na si Helen, pasan-pasan niya sa likuran, at masayahang inililibot sa perya – ang tanging kaligayahan ng mga tulad nilang bata.

Ang batang si Magnifico, isang ordinaryong batang makakasalubong mo sa iyong paglalakad, nakatsinelas at uniporme, bitbit ang asul na lagayan ng ilang kwaderno, maswerte na kung may libro, pati ilang panulat na lapis na tinasahan gamit ang kutsilyo. Siya, na magiging dahilan ng iyong pagngiti sapagkat sa kanyang mukha’y may pag-asa ang lahat ng bagay, kahit gano man ito kabigat ay malugod mo pa ring mapapasan basta’t may tiwala, sikap at katapangan.

Si Magnifico, bagamat naging dahilan ng kalungkutan ng marami sa kanyang pagpanaw ay nag-iwan naman ng maliwanag na pag-asa – ang sinasabing ngiti matapos ng pagdaloy ng luha at tahimik na paghikbi.

Si Magnifico.
Isang bata.
Isang bituin.
Isang anghel.

Nasalubong mo na ba si Magnifico?

***
Ngunit tinawag ni Hesus ang mga alagad at sinabihan, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat sa mga katulad nila naghahari ang Diyos.”
- Lucas 18:16

Walang nagsisindi ng ilaw at naglalagay nito sa sa ilalim ng takalan. Sa halip ay inilalagay ito sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay.
- Mateo 5:15

***
_________________________________________________________________
haiy., panuoren niyo na ren.. anggnda tlga., maiinspire ka..

Monday, October 20, 2008

Anghel sa burak

Nakakainggit.

Ano kayang pakiramdam, na ikaw'y maingat na yayakapi't hahagkan? Na maging katangi-tangi sa paningin ng sinuman?

Ano kayang pakiramdam, sa tuwina'y nais nilang masilayan ang iyong ngiti, tuwang tuwa sa paghanap ng iyong kiliti?

O kaysarap sigurong, lagi kang pagmamasdan, tuwing gising o tulog man, pagkat para sa kanila'y ikaw'y yamang di maaaring palitan.

Anupa't ninais ko rin, damhin yaong pagmamahal, dalisay at siyang tunay lalo't nagmula sa
Maykapal.

Ngunit...

Ano bang pagkakamali ko't pilit na hinila sa sinapupunan ni ina? Itong kaliita'y sinamantala, humihinga na'y naudlot pa.

Kaysakit ng katotohanang, nilagay basta sa supot, tinapon at di man lang inisip ng puputaktihin ng surot.

Di pa nakuntento'y, pinaglaruan yaong kaawa-awang katawan, chinop-chop at saka pinakain sa pusang kumakalam ang tiyan.

O di kaya'y, nilagay sa kahon atsaka ginawang panakot, sinama pa sa kalokohang mula sa utak na nilulumot.

Kasalanan ko nga bang talaga, o sadyang ayaw ni ina? Ayaw ni ama? Ayaw nila?

Sana man lamang ay ako'y binigyan ng pagkakataong masilayan ang mundo, itangi ninuman at mapangiti kayo.. Lalo na't ituring na isang anghel.

Ngunit...

Lahat ay nangyari na't wala akong kamalay-malay.

Ako'y isang anghel sa burak, pinagkaitan ng pag-ibig na dalisay.

Nakakainggit...

___________________________________________________________________
wah., eto yung isa sa mga articles na ginawa ko during cliniquing para sa 08dspc., whew, nachallenge talaga me sa paggawa nito., parang common na kasi yung style tapos feeling ko nasobrahan ako sa rhyming kaya yung mga bahaging walang rhyme, awkward na pag binasa., pero this is one of my favorites., eto yung isa sa mga katotohanan sa buhay that really breaks my heart.,