Tuesday, March 24, 2009

taloompateee daw.

Sa mga pinagkakapitagang panauhin, sa mga guro ng paaralang ito na pinamumunuan ng ating kagalang-galang na punnongguro, Gng. Ma. Elena V. Bernardo, sa aming minamahal na mga magulang, mga kapwa magsisipagtatapos, mga kaibigan, isang magandang/mapayapang gabi sa inyong lahat.

Dumating na sa wakas, ang sandaling ito, bagamat nakalulungkot harapin dahil sa nalalapit na mga pagpapaalam, ay siya namang magbubukas ng bagong pinto sa panibagong mga karanasang sasalubong sa hinaharap sa bawat magsisipagtapos ngayong gabi.

Naging isang malaking hamon para sa akin ang pagpasok sa paaralang ito. Unang-una, hindi ko ginustong pumasok sa RiSci dahil may mga bagay noon na akala ko’y hindi ko kayang mabuhay nang wala sa aking tabi. Batang-isip pa nga ako noon kung tutuusin, at pulos sariling kapakinabangan lamang ang aking iniisip. Ngunit nakita ng aking mga magulang ang isang bagay na noo’y ‘di ko pinagbabalingan ng pansin – ang aking kakayahan. Kaya’t bagamat labag sa aking loob noon ay sinunod ko ang kanilang kagustuhan, at malamang-lamang, ito rin ang kagustuhan ng Panginoon, na siyang lubos kong pinasasalamatan.

Nais ko ring sulitin ang pagkakataong ito upang bigyang-pasasalamat ang mahal naming mga guro mula sa unang taon ng paglagi namin sa institusyong ito. Salamat po sa inyong walang sawang paggabay, sa pagturing sa amin bilang inyo na ring mga anak, sa mga panahong kami’y naiyak hindi dahil sa mga gawain at aralin, kundi dahil sa mga aral ng buhay na aming napagtanto dahil sa inyo. Mga aral na hindi nakukuha sa pagbabasa lamang ng mga libro, kundi sa pagbabasa ng aming mga puso’t isipan. Mga aral na nagsilbing hulmahan ng aming mga pagkatao, na siyang humubog sa kung ano kami ngayon. Muli, maraming salamat po sa inyo, sir, madam.

Masasabi nating ang edukasyon ay isang panghabambuhay na proseso. Hindi ito natatapos sa oras na tayo’y tumanggap ng diploma, ni sa oras na ang bawat isa ay maging abala na sa kani-kaniyang propesyon. Ang edukasyon ay walang katapusang pakikibaka, tulad ng pag-ikot ng panahon.

Sa kasalukuyang henerasyon, nananatiling matatag ang pagpapanatili ng pundasyon ng edukasyon sa ating bansa. Kahit kapos sa pangangailangang pinansyal ang karamihan sa ating mga pamilyang Pilipino ay nagagawa pa ring pumasok ng kabataan sa paaralan. Isang malaking patunay ang patuloy na paglaki ng populasyon ng mga mag-aaral sa mga pampubliko, maging sa ilang pribadong paaralan, na napakaraming batang tulad natin ang talagang nais makapag-aral. Patunay din ito na mas prayoridad na rin ngayon ng mga magulang ang makapagtapos ang kanilang mga anak.

Kung gayon nga ang sitwasyon, hindi ba’t napakapalad natin, hindi lamang nating mga magsisipagtapos, kundi ng lahat ng mag-aaral ng paaralang ito, tayong mga Riscians, sapagkat ilan lamang tayo sa nakaranas ng mataas sa karaniwan na kalidad ng edukasyon. Inaamin ko, bilang isang studyante, na naging mahirap ang aking pakikipagsapalaran upang manatiling buhay sa paaralang ito. Ngunit kung tutuusi’y lahat ng hirap na naranasan ko, na naranasan natin, at mararanasan niyo pa, ay nagbabalat-kayong mga oportunidad. Sa bawat pagtuntong ko sa mas mataas na antas bilang isang mag-aaral sa sekundarya, mas nakikita ko ang aking sarili bilang isang umuusbong na butil na ipinunla sa bukid.

Ang isang mabuting tanim ay nakapagbibigay ng isang mabuting ani. Ngunit hindi ganoon kadaling maging isang mabuting tanim. Sa paglaki ng isang ipinunla ay dapat lamang na handa itong tumayo sa ilalim na matinding sikat ng araw, o maging matatag sa panahon ng tag-ulan. Hindi ito nagpapa-apekto sa mga damong ligaw na tumutubo sa kanyang tabi, bagkus ay patuloy siyang kakalap ng kanyang mga pangangailangan upang mabuhay. Layunin niyang maging malago ang ani ng sinumang nagpunla sa kanya pagkat ito ang tanging paraan upang siya’y maging kapaki-pakinabang.

Sa ganitong paraan ko maihahambing ang isang tulad ko, tayo, ang kabataan. Ang ating buhay sa ngayon ay marapat lamang na nakatuon sa oportunidad na walang sawang inihahandog sa atin ng ating mga magulang, ng pamahalaan at ng lipunan. At iyon ay ang edukasyon. Isa sa mga susi sa likod ng lahat ng pagtatagumpay ng isang indibidwal, at ang yamang walang sinuman ang maaaring magnakaw. Ito ay kaagapay ng matatag na pananalig sa Diyos na siya namang nagtutulak sa ‘tin upang gumawa ng kabutihan. Sa oras na mabalanse natin ang dalawang ito, tiyak na isa na rin tayo sa mga kapaki-pakinabang na punla ng ating bansa.

Para sa mga kapwa ko magsisipagtapos, patuloy nating lakbayin ang karunungan, kaalinsabay ng kabutihan, nang sa gayo’y tayo’y maging mabubuting mamamayan ng ating bayan. Ang kagandahan ng buhay ay hindi nababatay sa pansariling kasiyahan, ngunit sa mga pagkakataong nakakamit ang kasiyahan ng ating kapwa nang dahil na rin sa atin.

Muli, isang magandang.mapayapang gabi sa inyong lahat.#