Tuesday, November 11, 2008

Imahe-nasyon.

Pinoy.

Langgam: kung san may asukal doon ang puntahan. Kapag naubos na’y siya nang iiwan, malabong balikan.

Kugon: matinding nag-aalab kapag sinilabanan ngunit madali din namang natatalo ng amihan, apo’y tuluyan nang mawawalan.

Alimango: mahilig manghila pababa nang pillit. Di papayag na siya lang ang gipit.

Manok: putak nang putak, reklamo’y sandamakmak. Hindi pa kuntento’y balita’y nilagyan ng pakpak.

Banlag: aynaku nariyan na nga sa tabi niya, pedestrian lane di pa nakikita. Puting linya’y inisnaban, di tama ang tinawiran.

Dayuhan: akala mo’y bisitang dumadaan’t pumaparada. Patingin-tingin, katotohana’y di naman kita.

Eto na ba, eto na ba?
Imahe ko, mo, niya
Iyak at sigaw yaong butihing ina.
“Bakit, anak ko, ikaw na’y ibang-iba?”
Anak ba’y may naririnig, ni salitang isa
O tuluyan bang puso’t isipa’y nagsara?

Oyayi sa gitna ng buhawi

“Nasa nagdadala ang ikinagagaan o ikinabibigat ng anumang pasan…”

Hindi maikakaila ang hirap ng buhay noon. Para sa isang batang tulad niya, mas nanaisin pang ipagpalit ang baong mais para sa ilang pahina ng papel, gumamit ng kanin pandikit at laway pambura. Ngunit sa isang tulad niya’y wala lamang ang mga ito sapagkat mas matumbas pa ang kaniyang pagsisikap na mapalawak ang sariling dunong kahit pa pahira-hiram lang ng libro at tumayo sa sariling mga paa.

Maaga ring ninakaw sa kanya ang kaniyang pagkabata. Mula sa paglalaro ng tansan, goma at teks, pag-akyat sa puno ng talisay at bubong ng kapitbahay, paliligo sa ulan at paghahabulan sa putikan, at pakikipagbuno sa mga kalarong mas damuho pa sa kanya; ang kanyang kamusmusang laro lang ang hanap ay agad napawi. Sa gulang na 9 ay nalipat siya sa poder ng tiyuhin upang mag-alaga sa pinsan, at tila nawala sa kanyang listahan ang laro at libang. Ang umaga niya’y kundi paglalaba ay pagluluto, saka papasok sa paaralan, pagkauwi’y mag-aaruga ng bata, tapos ay mag-aaral. Kung Sabado at Linggo nama’y tumutulong sa ina sa paglalabada at minsa’y kasa-kasama ng mga kapatid sa pagtitinda ng yema at hilaw na mangga. Pang-apat siya sa kanilang magkakapatid at sa mga panahong iyon, wala siyang sinayang na pagkakataon upang makatulong sa kanila.

Nagpatuloy ang kanyang pakikipagsapalaran sa buhay bilang isang mag-aaral sa hayskul na pinagkakasya ang limang piso para pamasahe at pangkain; siya’y naging miyembro ng teatro at koro, naging maganda ang partisipasyon sa klase at nakakuha ng matataas na marka. Kasama ng tiyaga at kagustuhang makapag-aral, ang tulak ng mga pangarap at kabig ng matatag na loob, ay siya'y nakaraos ng maigi. Taas noong umakyat sa entablado kasama ang ama ay siyay nagtapos bilang ikatlong karangalang banggit.

Subalit talagang sinusubok siya ng pagkakataon. Mga pangako nga nama’y ginawa para ipako. Sa kasamaang palad ay di siya nakapag-aral sa kolehiyo na siyang sandaling ikinadurog ng kanyang puso. Ang mga nakikinita niya at pangarap sa buhay ay tila isang barkong naglalaho sa ‘horizon’. Masakit, ngunit nagawa pa rin niyang tanggapin ang katotohanan.

Ngunit ano nga ba ang plano ng Panginoon para sa kanya?

Sya’y napasok sa isang pabrika ng electroniks sa gulang na 17. Patuloy na nakikibaka’t nagsisikap hanggang sa siya’y ipakilala sa isang payat, matangkad at maputing Bikolano na naging kapalagayan niya ng loob. Sila’y nagsasabay kumain ng sorbetes, at nagsusuyuan kundi sa may posohan ay sa may tindahan. Lumipas ang panahon at pinangalanan ang namamagitan sa dalawa, at iyon ay pag-ibig. Sila’y ikinasal at nagbunga sa apat ang tunay na pagmamahalan.

O buhay nga nama’y isang pagsubok. Naging mahirap ang simulain nila pagka’t siya’y isang batang ina. Naritong uuwi ang asawa mula sa pagpapasada ng dyip at sila’y masaya na’t magsasalo sa ilang pakete ng noodles at ilang pirasong daing. Mangyari din na muntik pang mapalayas sa sariling tahanan sa mga kondisyong 'di naman makatwiran. Ngunit siya at ang kanyang pamilya ay nanatiling matagtag, at sa sikap ng asawa’y sila’y nakapagpatayo ng sariling negosyo.

Marahil ay hindi ganoon kadaling tumayo sa sariling mga paa, lalo na’t sarili lang nila ang kanilang inaasahan. Palibhasa’y subok na ang pagsasama, naging pundasyon ito sa maayos na pagmamaniobra sa liku-likong daan ng buhay, kaalinsabay ang mainam na pamamaraan ng pagdidisiplina sa mga anak at matinding pasensya bilang mga baguhan sa industriya ng kalakalan.

Dumating din ang pagkakataong sunud-sunod na nagbanta ang mga sakit sa kanyang buhay. At halos hindi na makagawa sa bahay dahil sa mga nadarama. Sakit nga nama’y di dapat inaalagaan, kaya’t naroong siya’t tila walang karamdamang nagpatuloy sa pamumuhay ng normal. Awa at salamat sa Diyos, nagsawa sa kaniya ang mga sakit at sa katawan niya’y lumisan.

At ngayon, siya’y isang masayang ina, na sa bawat pagtapak ko sa kaniyang tahanan ay ako’y sasalubungin ng ngiti; isang ngiting alam mong hindi natitinag, anumang unos ang dumaan. At sa tuwing siya’y aking pagmamasdan, naroroon ang kakaibang pakiramdam ng awa, paghanga, galak, pagmamahal. Ang babaeng tila kawayan, na sa paghagupit ng hangin at ulan ay mapapayukod ngunit muling tatayo, patunay na bagamat ang buhay ay isang matinik na landasin, walang imposible sa isang matatag na puso. #
___________________________________________________________________
kahit sino mahuhulaan kung sino 'to.. :)

Munting bituin

Isang gabi’y umaasa akong sa aking pagtingala sa kalawaka’y lalantad ang pagkarami-raming maliliwanag na tuldok… ang mga bituing siyang ganda ng kalangitan. Sa aking gulat ay tila walang nagpakita noong gabing iyon, ngunit patuloy pa rin akong nagmasid, at naghintay at naghanap. . . at ako’y nagtagumpay. Lumitaw ang isang talang di-kaliwanagan, bagamat tila may kakaibang dating kaya’t halos natitigan ko nang matagal.

At saka ko napagtanto…
Ang kagandahan ng isang bituing nagliliwanag at tumalo sa kadilimang nagtatangkang maghari-harian sa kasagsagan ng gabi. Tulad ng isang kandilang hanap-hanap ng mga takot at nag-aalalang mata ng isang pamilya sa loob ng isang tahanang di nabiyayaan ng daloy ng dagitab.

At tulad ng isang batang sa ngalang Magnifico, na sa kabila ng hagupit ng kahirapan at pagdurusa sa buhay ay nagsilbing isang bituin sa mga taong muntik nang lamunin ng dilim ng kawalan ng pag-asa. Sa kamusmusang di naparam ng madalas na di pag-ayon sa kanya ng kapalaran. Isang paslit na bagamat mangmang kung husgahan ay nagtataglay ng pusong kalugud-lugod nang tulad sa isang anghel na sugo ng Maykapal.

Si Magnifico na ang mga mata’y maagang namulat sa realidad ng buhay; ngunit sa isang pananaw na sa likod ng bawat pagsubok ay sumisilay ang kaiga-igayang sinag ng araw sa umaga. Gaya din sa tuwing pagtila ng isang malakas na ulan ay namumutawi ang kakatwang arko ng mga kulay – ang bahaghari na simbolo ng pag-asa.

Si Magnifico, na may paniniwalang “hindi porket matanda na ang isang tao’y hindi na niya kailangan ng tulong…” sapagkat nakita niya ang sitwasyon ng kayang lola na dumaranas ng matinding sakit sa lapay; at kanyang lihim na ipinaghanda ng mga detalye para sa libing sa oras na mamatay ito.

Si Magnifico, isang tunay na kaibigan sa oras ng pangangailangan, ipagtatanggol ka sa mga mapang-api, pangingitiin ka sa gitna ng kapighatian, at kasabwat sa kalokohan.

Siyang batang Maginifico, na magtuturo sa’yo ng mga payak na bagay sa buhay, tulad ng matiyagang paglalakad sa kabila ng layo ng patutunguhan. Magpapakita ng kahalagahan ng mga salitang “Maraming salamat po” at “Pasensya na po.”

O siya ngang si Magnifico, na hindi titigil hangga’t hindi mo siya pinaniniwalaan sa katotohanang nais niyang iparating sa iyo sapagkat iyon nama’y para sa iyong kapakinabangan.

Si Magnifico, isang mapagmahal na kuya, na di alintana ang pagod basta’t mapasaya lamang ang nakakabatang kapatid na si Helen, pasan-pasan niya sa likuran, at masayahang inililibot sa perya – ang tanging kaligayahan ng mga tulad nilang bata.

Ang batang si Magnifico, isang ordinaryong batang makakasalubong mo sa iyong paglalakad, nakatsinelas at uniporme, bitbit ang asul na lagayan ng ilang kwaderno, maswerte na kung may libro, pati ilang panulat na lapis na tinasahan gamit ang kutsilyo. Siya, na magiging dahilan ng iyong pagngiti sapagkat sa kanyang mukha’y may pag-asa ang lahat ng bagay, kahit gano man ito kabigat ay malugod mo pa ring mapapasan basta’t may tiwala, sikap at katapangan.

Si Magnifico, bagamat naging dahilan ng kalungkutan ng marami sa kanyang pagpanaw ay nag-iwan naman ng maliwanag na pag-asa – ang sinasabing ngiti matapos ng pagdaloy ng luha at tahimik na paghikbi.

Si Magnifico.
Isang bata.
Isang bituin.
Isang anghel.

Nasalubong mo na ba si Magnifico?

***
Ngunit tinawag ni Hesus ang mga alagad at sinabihan, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat sa mga katulad nila naghahari ang Diyos.”
- Lucas 18:16

Walang nagsisindi ng ilaw at naglalagay nito sa sa ilalim ng takalan. Sa halip ay inilalagay ito sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay.
- Mateo 5:15

***
_________________________________________________________________
haiy., panuoren niyo na ren.. anggnda tlga., maiinspire ka..

Monday, October 20, 2008

Anghel sa burak

Nakakainggit.

Ano kayang pakiramdam, na ikaw'y maingat na yayakapi't hahagkan? Na maging katangi-tangi sa paningin ng sinuman?

Ano kayang pakiramdam, sa tuwina'y nais nilang masilayan ang iyong ngiti, tuwang tuwa sa paghanap ng iyong kiliti?

O kaysarap sigurong, lagi kang pagmamasdan, tuwing gising o tulog man, pagkat para sa kanila'y ikaw'y yamang di maaaring palitan.

Anupa't ninais ko rin, damhin yaong pagmamahal, dalisay at siyang tunay lalo't nagmula sa
Maykapal.

Ngunit...

Ano bang pagkakamali ko't pilit na hinila sa sinapupunan ni ina? Itong kaliita'y sinamantala, humihinga na'y naudlot pa.

Kaysakit ng katotohanang, nilagay basta sa supot, tinapon at di man lang inisip ng puputaktihin ng surot.

Di pa nakuntento'y, pinaglaruan yaong kaawa-awang katawan, chinop-chop at saka pinakain sa pusang kumakalam ang tiyan.

O di kaya'y, nilagay sa kahon atsaka ginawang panakot, sinama pa sa kalokohang mula sa utak na nilulumot.

Kasalanan ko nga bang talaga, o sadyang ayaw ni ina? Ayaw ni ama? Ayaw nila?

Sana man lamang ay ako'y binigyan ng pagkakataong masilayan ang mundo, itangi ninuman at mapangiti kayo.. Lalo na't ituring na isang anghel.

Ngunit...

Lahat ay nangyari na't wala akong kamalay-malay.

Ako'y isang anghel sa burak, pinagkaitan ng pag-ibig na dalisay.

Nakakainggit...

___________________________________________________________________
wah., eto yung isa sa mga articles na ginawa ko during cliniquing para sa 08dspc., whew, nachallenge talaga me sa paggawa nito., parang common na kasi yung style tapos feeling ko nasobrahan ako sa rhyming kaya yung mga bahaging walang rhyme, awkward na pag binasa., pero this is one of my favorites., eto yung isa sa mga katotohanan sa buhay that really breaks my heart.,

Sunday, October 19, 2008

Karnabal ng karahasan

Lapit matapang.
Karnabal ng karahasa’y subukan, siyang tutuos sa lakas ni Juan.


Bubungad sa iyo’y bandilang punit, sunog ang asul at natira ang pula. Pula ang tanging kulay na kita, sinamahan pa ng itim na bumabalandra.

Pumasok sa ‘struggle-jungle’, at dumaan sa kumunoy na kawalang katiyakan. Mag-ingat sa ulan ng mga balang target ay iyong bunbunan.

Sumakay sa ‘mapamuksang dambuhala’ na pinapagana ng ulyaning kawawa. Kapag napihit niya ang malaking pulang buton, asahan mong ika’y abo na’t tutong.

Kumakalam na tiyan? Sa libreng pagkai’y ‘wag nang mag-alinlangan. Umupo at tikman ang malinamnam na elektrisidad mula sa mga nilalang na pusali ang kalooban.

Manood, huwag asahang maaliw, sa eksibit ng mga paslit. Na naglalaro ng kalansay at nagsasaka na ng sariling lapida. Saksihan din ang parada ng mga lantang kandungan ng bulaklak, tangan ng mga kababaihang inalisan na ng mukha.

Bala, bomba, patalim ang premyo sa karnabal na ito. Si Juan ang nagbigay, si Juan din ang tatanggap. Tila wala na ang ‘awa’ sa bokabularyo, sarili’y nagawang ikompronta sa diyablo.


Juan, ayan, tingnan mo, nakayuko, nakaluhod, nakatingala, mga kapatd na di mawari kung susuko o magmamakaawa. Nasaan ang kasagutan sa dumaraing na kidlat at iyak ng mata, sa mga nangingitim na panyo mula sa natuyong magkahalong pawis, luha, at dugo. Anong hakbangin ang dapat gawin, nang makamit, mabawi ang tore ng kadalisayan ng kabutiha’t hustisya at mapatunayang aabutin pa ng araw.

Bukas, bukas na ang mata, masisilayan na’t maliligo sa liwanag. #

Pinapanday na ang barya...

Madalang na akong makatanggap ng limos ngayon. Ni singkong butas eh 'di ko man lamang marinig kumalansing sa lata kong walang laman, gaya ng aking sikmurang kanina pang umaga natitigang. Ang nakapagtataka'y marami namang labas-masok sa simbahan, pero kahit pa ipagsigawan ko na ang aking pagmamakaawa'y sa tingin ay ‘di man lang ako mabalingan.

Nagpasya akong lumipat sa palengke pagkapananghali, umaasa sa mga tindero’t mamimili na dudulog sa ‘king matinding pangangailangan. Sa bungad ng pamilihan ko pinuwesto ang aking sarili at sa aking gulat ay halos di-mahulugang karayom pa rin ang kapal ng tao. Sa ilalim ng sikat ng araw ay sinimulan kong tugtugin ang aking harmonica, sa tanging saliw na naituro sa akin ng aking ama.

Ngunit tila nasasapawan ng ingay ng palengke ang kakatwang tunog ng aking harmonica. Sa magkahalong gutom at pagod ay wala na akong nagawa kundi pumikit – ang tanging pahingang sandaling bumabawi sa ‘king lakas.

Walang anu-ano’y naramdaman kong may umupo sa ‘king tabi. Hindi ako dumilat sakaling maawa sa ‘kin ang yaong tao at ako’y iwanan man lamang ng tira-tirang pagkain o barya.

Narinig ko siya. Tila naiinis at suyang-suya sa mga pasanin o problema sa buhay. Sa loob-loob ko’y tila wala na rin akong pag-asang makakuha ng limos sa taong ito.

Nagpatuloy ang banas na nilalang. Talagang yamot na yamot na ito. Naiinis dahil umano sa di nagkasya ang perang pinamili para sa araw na iyon.

Naiinis siya dahil sa pagtaas ng presyo ng karne ng baboy at baka.
Naiinis sa haba ng pila sa bigas na NFA.
Naiinis sa baklang suki niya sa mantika na hindi siya pinagbigyan sa pagtawad.
Naiinis sa depektibong bote ng toyo kaya’t nabasag habang dala niya.
Naiinis sa dumi at usok mula sa pagkokomyut dahil mahal ang gasolina.
Naiinis na sa hirap ng paglibot sa palengke, isa lang ang presyo ng apat na pirasong itlog.
Naiinis dahil naiwan ang listahan sa bahay at ‘di maalala kung kumpleto ba ang nabili.
Naiinis dahil pati patuka sa panabong na manok ay nagtaas-presyo.
Naiinis sa almusal na kakapiranggot na pandesal sa halagang uno-singkwenta.
Naiinis dahil sa haba ng pila sa Lotto at Go Binggo’y kaiinit pa naman.

Kakatwa… naintindihan ko na.

Kaya pala walang nagbibigay ng limos sa simbahan.
Kaya pala kahit batchoy ay ipinagdaramutan.
Kaya pala maraming naglalakad.
Kaya pala mga mukha nila’y animo’y sa lupa’y pawang sadsad.
Kaya pala dinadagsa ang mga tindera ng galunggong at kangkong.
Kaya pala maraming pinipilahan ngayon.
Kaya pala…

Pinapanday na siguro ang barya.

Minulat ko ang aking mga mata kasabay ng katotohanang aking natuklasan. At aba, nag-iwan ng ensaymada ang problemadong nilalang. #