Thursday, September 10, 2009

anlakas ng 'trip' sa corregidor: isang reaksyon

Bata pa lang ako, palaisipan na para sa akin ang mga nilalaman ng isla ng Corregidor. Batay sa mga paglalarawan at mga programa sa telebisyon na gumagawa ng lathala ukol sa lugar na ito, isang nakakatakot at misteryosong impresyon ang matagal na nanatili sa aking isipan hanggang sa mga sandaling yumapak ako sa kalupaan ng nasabing isla.

Binabaybay pa lang namin ang kahabaan ng Manila Bay patungo sa Corregidor, hindi ko maiwaglit sa aking mga pagmumuni-muni ang hitsura ng isla na ilang sandali lamang ay tatambad na sa aking gutom na paningin. Dahil na rin sa pangungulit ko at ni Arlene, nakaakyat kami sa itaas na bahagi ng ferry at nakalanghap ng sariwang hangin mula sa dagat na may kasama pang kaunting mga tilamsik ng tubig. Bagamat medyo nahihilo-hilo ako sa biyahe - sapagkat iyon ang unang pagkakataon kong sumakay sa isang ferry at maglakbay sa karagatan – nakatulong ang pagka-aliw ko sa mga alon at pagkanta kasama ng ilang mga kamag-aral upang maiwasan ang matinding pagkahilo na maaaring humantong sa paglabas ng ‘sama ng loob’ mula sa aking sikmura.

Hindi nga ako binigo ng aking mga ‘inaasahan.’ Sa daungan pa lamang ay tanaw ko na ang nakabibighaning kagandahan ng isla na tila nag-aanyaya sa mga kadarating pa lamang niyang mga bisita. Kakaibang pakiramdam ang pumuno sa aking dibdib – kasiyahan, pagkamangha, pagkasabik. Nang mga oras na iyo’y sigurado na akong sulit ang ‘trip’ na ito at talagang hahanap-hanapin ko ang atmospera sa Corregidor na siyang ibang-iba kung ikukumpara sa kapaligiran natin sa Maynila.

Sa sobrang babaw ng kaligayahan ko, tuwang-tuwa talaga ako na makasakay sa ganoong uri ng bus, o ‘bus’ man kung iyon ay tawagin. Hindi ko na nga naitanong pa kung anong tawag sa ganoong uri ng sasakyan; ang alam ko lamang ay kahawig ito ng mga pampublikong sasakyan noong bandang 1800’s na kung dati ay sa larawan ko lamang nakikita ay nasakyan ko na rin sa wakas.

Nagsisimula pa lamang ang tunay na pagtuklas sa isla at ako’y siyang-siya na.

Si Kuya Bob ang tour guide namin noong araw na iyon. Sa kabila ng kanyang katandaan, malinaw at nakaaaliw pa rin niyang naisalaysay ang mga detalye ng mga makasaysayang lugar na aming dinaanan. Tila nga ka-edad lamang namin si Kuya Bob dahil ‘nakakasakay’ pa rin siya sa kalokohan at pag-iingay namin – bagay na nagpapatunay na mas mainam na tawagin siyang ‘Kuya Bob’ imbis na ‘Lolo Bob’ o ‘Ka Bob’. J

Ang mga ruins ang pinakapopular na yaman ng isla ng Corregidor. Mula sa tirahan ng mga sundalo, hanggang sa tirahan ng mga bomba at kanyon, o maging hanggang sa hantungan ng mga pumanaw na sundalo, Pilipino o dayuhan man, masasabi kong na-preserve nang mabuti ng mga tao sa isla ang mga ito. Hindi man maiiwasan ang ilang ‘vandal’ sa mga pader, sa pangkalahatan ay nanatili pa rin ang pagiging makasaysayan ng mga ruins. Sa katunayan ay iba ngang talaga ang pakiramdam sa tuwing pumapasok kami sa mga ruins na iyon – pagkamangha, takot, pagkasabik. Ngunit sa totoo lang, mas nangibabaw ang pagkatakot ko sa mga guho, malamang ay dahil na rin sa hitsura ng mga ito – lumang luma at madilim – at sa mismong istruktura o pagkakagawa – sa ilalim ng lupa, sa mga tila kweba at iba pa.

Sapagkat ang Corregidor ang nagsilbing battlefield noong kasagsagan ng digmaan, hindi ko na ipinagtaka pa kung bakit kabi-kabila ang mga kanyon, bala, at mga ‘peklat sa lupa’ na dulot ng pambobomba. May isang bagay lamang akong napagtanto dahil na rin sa pagiging mapanuri ng isa kong kamag-aral: hindi na namin naabutan ang mismong hitsura ng mga kanyon na ginamit noon sa digmaan. Maayos ang mga ito nang aming datnan, di tulad ng mga ruins na akala mo’y hindi man lamang nagalaw o napukpok ng martilyo; ang mga kanyon ay bagong pintura, hindi halatang lumang mga modelo bagamat nakamamagha ang laki. Gayunpaman, naiintindihan ko kung bakit may ilan sa mga kagamitan noong digmaan ang ni-renovate, ika nga. Para sa akin, maaaring mahirap nga magmaintain ng mga metal na materyal, at napakagandang halimbawa nito ay ang mga kanyon. Sa tinagal-tagal ba naman ng pananatili ng mga ito sa bawat ‘battery’ eh naka-ilang danas na rin sila ng matinding sikat ng araw o pagbagyo. Marahil ay kung hindi nagawang ‘ayusin’ ang mga nasabing kanyon, kalawang lang ang mapapala ng modelong mga digicam na dala ng aking mga kamag-aral.

Nabanggit ko sa naunang talata ang tungkol sa mga ‘peklat sa lupa’. Sa totoo lang, nakamamangha na makita pa ang lamat ng pagsabog ng bomba sa lugar na iyon. Tunay ngang doon lumanding ang ilan o isa man sa mga bombang pina-ulan ng mga Hapon dahil na rin sa lalim nito mula sa patag na bahagi ng lupa. Tiyak na napakalakas ng impact ng bombang sumabog doon sapagkat kung eestimahin ay halos anim na metro yata ang diameter ng ‘uka’ na iyon. Ang nakakatuwa pa niyan, isang puno ng aratiles ang tumubo sa gitna ng uka at malagong malago ang puno bagamat di namin gaano napansin ang mga bunga.

Isa pa rin sa mga ‘highlights’ ng aming paglilibot ay ang museum kung saan makikita ang ilan sa mga bagay na ginamit ng mga sundalo noon, mula sa pares ng kutsara’t tinidor hanggang sa mga barya at patalim na kalawangin na. Hindi ko malilimutan ang nakita kong bala ng kanyon na may naka-ukit na hubad na katawan ng isang babae – nagulat ako nang mapansin ko iyon ngunit nang maglaon ay tinawanan ko na lamang ito, bagamat may ilang ideya ang naglagalag sa aking isipan nang mga oras na iyon, o maging hanggang ngayon inaamin ko. Nasabi ko na rin lang naman, kutob ko lamang na hindi nawawala ang mga ‘babae’ bilang inspirasyon ng mga sundalo noon, lalo na kung pagtutuunan natin ng pansin ang katotohanang pulos kalalakihan ang nagsisilbi sa militar noon pa man. Nakatutuwa lang isipin na sa lahat ng bagay na maaring ukitan ng ganoong larawan, sa bala ng kanyon pa. J

Isang magandang simbolo din ang isang istatwa kung saan akbay-akbay ng isang sundalong Amerikano ang isang sugatang Pilipino. ‘Brothers in Arms’ ang katawagan sa monumentong iyon at malinaw nitong ipinapahiwatig ang matatag na kapatiran sa pagitan ng Amerika at Pilipinas noong digmaan. Naalala ko tuloy ang isang biro ng aking kamag-aral; napansin kasi niya na ang Amerikano ang ‘naka-alalay’ sa Pilipinong ‘injured’ kaya bigla niyang natanong sa isang sarkastikong pananalita, “Bakit yung Pilipino lang ang sugatan?!” Muli, isang pahiwatig ang nais na makakawala. Isang pahiwatig na magdadala sa atin sa ibang anggulo ng sanaysay na ito kaya’t hindi ko na palalawakin pa.

Samantala, bumaligtad naman ang aking mga ekspektasyon sa Malinta Tunnel. Akala ko’y isang pagsasadula ang ipapakita sa loob niyon – yung tipong may mga aktor at aktres sa isang malawak na entablado. Hindi ko inaasahang ‘teknolohiya’ ang magpapa-andar sa nasabing palabas, ngunit batid ko rin naman ang kagandahan ng ganoong paraan ng pagsasalaysay sa mga pangyayari kaugnay ng Malinta Tunnel at Corregidor island. Nagkaroon man ng pagkukulang sa lubos na pag-intindi sa kasaysayan ng nasabing lugar, iyon ay mas napansin ko sa panig naming mga studyante. Hindi kasi interesado ang iba upang makinig at umalam.

Hindi ko rin matatawaran ang lubos-lubos na pagkawili sa kabuuang kapaligiran ng Corregidor. Sabi ko nga, ibang-iba ang atmospera roon kaysa sa Maynila. Matagal man ang byahe mula sa isang ‘hotspot’ patungo sa isa pa, hindi naman ako nagsawa sa pagmamasid sa mga puno at mga halamang naroroon. Pakiramdam ko’y nakikiisa ang kapaligiran sa aking pagkatao; dahil ako’y isa ring self-confessed na ‘nature lover’. Ilan sa mga hindi ko malilimutang mga nilalang na aking nakita ay ang kulay asul na ibon na nagpapahinga sa isang sanga ng puno malapit sa kalsada na aming binabaybay; ang tila isang lawin sa himpapawid na napakataas ng lipad na aking tinitingala mula sa may dalampasigan; at ang mismong dalampasigan kung saan napakaraming mga bato at shell ang nagkalat para mai-uwi ng mga turista kung sakali, o kung hindi man ay patuloy na sumunod sa paghele ng mga alon.

Hindi ko na ininda pa ang pagod mula sa paglalakbay dahil sa mga naranasan at nakita ko sa isla ng Corregidor kahit sa loob lamang ng halos limang oras. Sulit na sulit na iyon para sa akin; tila nga bumisita lamang ako sa isang ‘shrine’ tulad ng kina Aguinaldo sa Cavite o kay Rizal sa Calamba. Pero higit pa sa pagkabusog ng mata at sikmura ang aking nakamtan – at iyon ay pagkabusog ng pagka-Pilipino. Ang Corregidor ay simbolo ng ating paglaban para sa kalayaan, na kung hindi itinakdang mangyari ng Diyos ay ‘di natin malalasap ang soberanyang taglay ng ating bansa ngayon. Ang kalayaan at karapatan ng mamamayan na paunlarin ang sariling niyang bansa. At ang dangal at paninindigan na sa kabila ng maraming kakulangan ng ating mga kabayayan sa mga malalakas na instrumentong pandigma noon, isang malakas nilang sandata ang katapangan, determinasyon at pagmamahal sa bayan upang sa huli ay ganap na mapasakamay ang tagumpay.

At para naman sa mga susunod na mapapadpad sa isla ng Corregidor, nawa ay sulitin nila ang pagkakataong yaon hindi lamang basta sa pamamasyal at pagkuha ng larawan kundi sa paghuhubog sa kaisipang nasyonalismo na sa panahon natin ngayon ay unti-unting nang nawawalan ng tunay na esensya.

***

--hai corregidor. parang isang kisap mata lang ang pagsilay ko sa'yo. waaaa. pero sulit talaga. napakaganda don. kaya... babalik ako don! at hindi lang ako! someday! ulet! :)

sa mga mambabasa: hindi ba't mas masarap sa pakiramdam na saksihan ang sarili nating mga likas na yaman? kaya bago natin planuhing libutin ang mundo, diskubrehin muna natin ang ating tinubuang lupa. :) "mayaman ang ating bansa, hindi lang tayo naniniwala sapagkat hindi pa naman natin nakikita." --Henonica.