Sunday, December 13, 2009

Ang una kong pagbisita sa GK Baseco (Tondo, Manila) --walang kamatayang reaction paper.

TONDO. Pugad ng mga notorious na magnanakaw at sindikato; kandungan ng mga tagpi-tagping bahay; palaruan ng mga batang marurungis; tagpuan ng mga ipis, daga, langaw at iba pang mga nakakadiring mga nilalang na namimiyesta sa basura. Lugar ng mga maiingay na tomadero na madalas magkagulo, naghahabulan ng itak at nagbabatuhan ng bote, hindi titigil hangga’t walang matapang na aawat, at sa oras na maawat nama’y imposibleng ni isa sa kanila ay ‘di man lang napuruhan o duguan. Tambayan ng mga sugarol, tsismosa, walang trabaho, tengga, petiks sa buhay, isang kahig isang tuka, mangmang. Mahirap. Dukha. Hampas-lupa. Para sa marami, isang lugar ng kawalang pag-asa, tanging kamatayan na lamang ang tatapos sa kahirapang mula pagsilang ay kanila nang nakagisnan.

Nagtaka ako. Hindi ganito ang Tondong sumalubong sa akin noong araw na iyon, noong araw nang aming bisitahin ang Baseco – isang bahagi ng kalakhang Tondo.

Maiingay ang mga bata nang aming datnan. Lulan ng isang dyip, pinagmamasdan ko sila mula sa bintana ng aming sasakyan. Masaya, bawat isa’y may nakasukbit na bag sa kanilang mga balikat o likuran. Maya-maya’y isang traysikel na walang bubong ang dumaan, lulan ang mahigit-kumulang dalawampung batang maliliit, animo’y isang parada tuwing Mayo. Sumunod pa ang isang pedikab na minamaniobra ng isang binatilyong marahil ay trese o kinse ayos ang itsura, lulan pa rin ang maraming bata na ilang saglit lamang ay makaka-uwi na rin sa kani-kanilang mga tahanan. “Piso o dos siguro ang bayad nyan bawat isa,” hula ng isa kong blockmate. Uwian na, kaya pala.

Ilang sandali pa, isang naka-asul na babae ang lumapit sa amin at kami’y pinatuloy sa isang makulay at pahabang ‘hall’. Salamat sa kanya at kami’y naka-iwas sa mainit na dampi ng nakatirik na araw noong hapong iyon. Sa loob ng hall ay ilang painting ang makikita sa konkreto nitong pader. Makulay at tila masayang nagtutulungan ang mga taong nakapinta sa mga larawan sa pader o sa maikling salita’y mga ‘mural’. Sa isang whiteboard nama’y nakalimbag ang lyrics ng isang awiting pansimbahan. Kako, “Siguro church ‘to dito.”

Nalaman na lamang namin na ang babaeng nagpatuloy sa amin sa makulay na lugar ay isa pala sa mga tagapangasiwa ng GK Baseco. Ito na pala ang GK site, kaya pala makulay. J

Ilang minuto din naming binaybay ang piling mga bahagi ng GK Baseco. Pakiramdam ko, wala ako sa sinasabing ‘Tondo’. Para ngang naglalaboy lamang ako sa lugar namin sa Antipolo – ang Tubigan. Tulad sa aming lugar, maayos rin ang mga kalsada roon, mas malawak pa nga ang sa Baseco kumpara ng sa amin. Kung tutuusin, nasiyahan talaga ako sa paglibot sa GK Baseco, hindi lamang dahil sa makukulay ang mga bahay roon, ngunit dahil na rin sa mga senyales ng pag-unlad ng bawat pamilyang naninirahan dito. Karamihan sa kanila ay may kani-kaniya pinagkakakitaan, may suplay ng kuryente at tubig at may sapat na espasyo sa kanilang mga tahanan para sa iba pa nilang gawain sa araw-araw: ginawa nilang taniman ng mga gumagapang na gulay ang pagitan ng bubungan ng kanilang mga bahay, may mga puno rin doon bagamat hindi pa sila ganoon kalaki para masilungan tuwing siesta.

Sa isang learning center na pinatayo ng Proctor & Gamble kami tinipon para makinig sa isang maikling introduksiyon ukol sa pagkakatatag at pagpapatuloy ng buhay sa GK Baseco. Ayon sa kanila, isang malaking ‘factor’ ang Panginoon upang maisakatuparan ang mga plano ng Gawad Kalinga hindi lamang sa Tondo kundi pati na rin sa iba pang bahagi ng Pilipinas. Ang Panginoon ang nagtataglay ng pinakamalakas na puwersa na bumubuklod sa mga tagapagtatag ng mga GK sites sa ating bansa. Kaalinsabay nito ang kagustuhang matulungan ang ating mga kababayang mahirap at ang inisyatibong paunlarin ang bawat pamilya kahit sa maliit nilang mga paraan.

Nakatutuwa lamang pong isipin na sa likod ng tagumpay ng isang gawaing may layuning hindi nakapokus sa pansariling ‘recognition’ ay naroroon ang malakas na impluwensya at gabay ng Diyos. Ang GK Baseco ay isa lamang po sa mga ebidensya sa totoong buhay na ang pagkilos ng Panginoon ay hindi nangangailangan ng malawakang pagkilala bagkus ay patuloy lamang nitong pinaparami ang kabutihang naidudulot sa mga taong nagtitiwala sa Kanya.

Sa nasaksihang kong sinasabing pagbabago sa Baseco noong araw na iyon, masasabi kong ang ginagawang pagtulong ng Gawad Kalinga sa mga Pilipinong salat sa buhay ay hindi natatapos sa pagtatayo lamang ng bahay. Ang pagkakaroon ng matiwasay at maayos na pamamahay, para sa akin, ang nagbigay ng lakas ng loob sa kanila upang ibangon ang sarili mula sa pagkakasadlak sa paanan ng kahirapan.

Uwian na. Sa aming pag-alis sa Baseco noong hapong iyon, napagtanto ko ang isang bagay na maaari kong ihambing sa isang tao: anumang dumi ang nakakapit sa kanyang pagkatao, hindi imposibleng siya’y magbago tungo sa kabutihan basta’t gusto niya at handa siyang muling bumangon. Naalala ko tuloy ang mga salitang nakalimbag sa likuran ng t-shirt ng isang tagapangasiwa sa GK Baseco: GOD IS ENOUGH. #

TRIBU: Bawal Pumasok Dito ni Jim Libiran - reaction paper sa nstp.

“Sabi ng tatay ko, ang Tondo ay para lang sa mga matatapang.”

Sang-ayon ako sa linyang itong madalas sambitin ng batang isa sa mga bida sa indie film na pinamagatang Tribu. Mula nang ako’y magkamalay sa existence ng Tondo, karahasan at panganib ang mga naghaharing imahe sa aking balintataw at magpahanggang ngayon ay ganito pa rin naman ang pagtingin ko sa nasabing lugar.

Sa aking pagkaka-alam, sa Tondo rin lumaki ang isa sa mga kontrobersyal na bayani ng ating bansa – si Andres Bonifacio. Bakit kamo siya naging kontrobersyal? Sapagkat si Bonifacio, di tulad ng karamihan sa mga kinikilalang bayani ng Pilipinas, ay isang dukha, isang taong lumaking pinagkaitan ng kaginhawahan sa buhay ngunit hindi ng katapangan at pagmamahal sa kalayaan.

Tulad ni Bonifacio, ang mga gangsters sa Tondo ay walang kinatatakutan. Kumbaga, ‘mata sa mata, ngipin sa ngipin.’ Buhay ang kinuha, buhay rin ang kapalit. Hindi sila papayag na sila’y maloko-loko lamang ng ibang gang o madehado sa isang duelo sa pagitan ng mga magkakalabang panig. Bawat grupo’y may reputasyong pinanghahawakan, may kapatirang tila mahirap matibag. Tanging pinagkaiba nga lang nila’y ang hilig ng mga gang na ito sa paghahayag ng kanilang saloobin sa pamamagitan ng ‘pagrara-rap.’ Sila’y mga hiphop gangs sa madaling salita, at malamang ay wala pang ganitong uri ng pamamahayag noong panahon ni Bonifacio.

Naging mas malinaw pa ang aking pang-unawa sa buhay-Tondo dahil sa pagganap ng isang bata bilang isang ‘karaniwang paslit’ sa nasabing lugar. Laboy, ma-usisa, inosente at mabilis maimpluwensyahan. Sa kaso ng batang bida, naiintindihan ko ang unti-unting pagkamuhi niya sa mga tao, partikular na ang mga lalaking madalas na kasiping ng biyuda na niyang ina. Sa aking pakiwari, basta’t makaraos sa pagsiping ay wala nang iba pang ‘concern’ ang mga ito – kahit pa makita sila ng kanilang mga anak o marinig ng ilang mga kalapit-bahay. Sino ba namang anak ang magnanais na makita ang kanyang ina o ama na may kinakasamang ibang tao hindi ba? Kung ako ang nasa sitwasyon ng bata, mas pipiliin ko pa sigurong magpakalayo kaysa araw-araw na masaktan sa katotohanang sirang-sira na ang aming pamilya.

Sa isang banda, kung ibabatay ko ang pag-intindi sa panig ng ina ng bata, marahil ay nagagawa lamang niya ang ganoong bagay dahil na rin sa kahirapan. Hindi na siguro bago sa atin ang mga inang nagbibigay aliw sa mga kalalakihan para lamang may ipanlaman sila sa sikmura ng kanilang mga anak. Marahil ay nagawa lamang din niya iyon sa kadahilanang nais niyang makalimot sa mga problemang kinakaharap hindi lamang ng sarili niyang pamilya kundi ng mga taong nasa paligid niya. Ngunit, alam naman nating lahat na ang karahasan at pagtatanggal ng respeto sa sarili ay hindi solusyon sa ating mga pasanin.

Isa ring nakamamanghang accomplishment ng buong production staff ng Tribu ang pagkakaroon ng isang tunay at mabuting kapatiran habang ginagawa ang pelikula. Ayon nga sa acceptance speech ni G. Libiran, direktor ng tribu, noong ginawaran ang Tribu noong ika-29 ng Hulyo 2007, "Nananawagan po ako sa mga pulis ng Maynila, 'yun pong mga hinuhuli ninyong mga bata ng Tondo ay mga Best Actor na po ngayon [malakas na cheer mula sa mga manunuod]. Meron pong ibang paraan para matigil ang mga riot sa Tondo at sa iba pang mga Tondo sa Pilipinas. Parang awa n'yo na, huwag po ninyong patayin 'yung mga bata. Baka sa kanila manggaling ang susunod na National Artist." Wala na sigurong hihigit pa sa nakamtan ng mga taong nagtulong-tulong sa pagtapos ng indie film na ito. Kung noong bago pa lamang magsimula ang paggawa sa pelikula ay walang ibang pinangarap si G. Libiran kundi ang sumikat at yumaman, nang matapos nila ito’y naglaho ang mga pangarap na iyon. Dahil naging isang malaking hamon para sa kanya ang indie film na ito, tagumpay nang masasabing bukod sa sila’y natapos at nagawaran ng maraming parangal ay nagdulot pa ito ng isang malaki at napakabuting pagbabago sa kabataang gangsters ng Tundo.

Hindi nakapagtatakang deserving nga ang Tribu sa paghakot sa mga award bilang Best Film (in Full Length category), Best Actor, at Best Sound. Habang pinapanood ko kasi ang yaong pelikula, para bang nanunuod lamang ako sa isang recorded na mga pangyayari sa Tondo na kuha ng isang malikot na hidden camera. Ang realidad sa Tondo, kahirapan, karahasan, kamangmangan, kamusmusan, krimen, at marami pang masasalimuot na katotohanang maaari pa rin nating makita o madama ay siyang nagsilbing ‘tagamulat’ sa mga manonood. Hindi ko maitatanggi na may ilang eksenang hindi ko komportableng makita, ngunit dahil ang Tribu ay nakapokus sa kung ano naman talaga ang nangyayari sa Tondo, aking napagtanto na bilang isang mamamayan, ang pinakamagandang paraan upang malaman ang solusyon sa mga suliranin ng lipunan (halimbawa ay ang mga gang sa Tondo) ay ang makita o masaksihan ang mga (suliranin) ito.

Tunay ngang ang Tondo ay para lamang sa mga matatapang. #

socsci reaction paper: Love in the Time of Cholera.

Kawawang kamalayan.


Love in the Time of Cholera. Ito ang pangalawa sa lahat ng mga pelikulang napanood ko na talagang nagdulot ng kakaibang impact sa aking kamalayan, hindi man sa kasalukuyang panahon, hindi man sa Pilipinas. Bakit ko nasabing kawawa? Ito ay sa kadahilanang pilit kong inilalayo ang aking sarili sa mga bagay na may kinalaman sa sex, pakikipagrelasyon sa opposite sex at maging sa ‘pag-ibig’ sa isang tao. Ngunit sa paaralang ito, wala akong karapatang tumanggi sa anumang ipasaksi sa aming mga mag-aaral, maging ito man ay requirement o hindi. Sapagkat karamihan sa mga katotohanang aking natutuklasan sa buhay ay sa labas ng paaralan ko natatagpuan.


Tulad ng isang karaniwang love story, ang kabuuan ng pelikula ay tumutukoy sa kasalimuotan ng buhay ng isang lalaking (Florentino Ariza) walang inasam kundi ang siya’y ibigin ng babaeng (Fermina Daza) nagpatibok ng kanyang puso at nagparamdam sa kanya ng tinatawag na pagmamahal. Ngunit dahil ang kalakaran ng pag-aasawa noong mga panahong iyon ay nakabatay sa social at financial status ng isang tao, hindi nagawang pakasal ni Fermina sa isang hamak na telegram operator na si Florentino, bagkus ay sa isang doctor (Dr. Juvenal Urbino) na siya na ring natipuhan ng ama para sa kanya. Bagamat minamahal din naman ni Fermina ang sawim-palad na si Florentino, mas pinili pa rin niyang mamuhay bilang isang babaeng may asawang kanyang maipagmamalaki, at bilang isang asawang maipagmamalakai rin ni Juvenal. Ito ang pinakadahilan ng kasawian sa pag-ibig ni Florentino, at siya na ring nagtulak sa kanya para iusad ang sarili patungo sa karangyaan at sa sensual na pakikipagrelasyon, partikular ang pakikipagsiping, sa napakaraming kababaihan – bagamat malaking bahagi pa rin ng kanyang pagkatao ang walang hanggang pag-ibig kay Fermina.


Kung ating susuriin, isang typical na kwento ang ipinapakita ng pelikulang ito: dalawang taong nag-iibigan, hinadlangan ng lipunan, dynamic na pagbabago sa mga karakter at isang happy ending. Ito marahil ang kondisyon ng lipunan sa Colombia noong mga panahong iyon, at kung ihahambing sa ating lipunan noon ay malaki ang posibilidad na magkapareho ang mga ito. Nangyari ito kasabay ng kasalukuyang pananakop ng mga Espanyol noon sa ating bansa. Ito ay yaong mga panahong usong-uso ang ‘arranged marriage’ hindi lamang sa mg Pilipino-Espanyol kundi pati na rin sa mga Sangley (Chinese) na naninirahan sa ating bansa. Kumbaga, kung nais magpakasal ng isang lalaki sa iniibig na babae, lalo na kung ito ay anak ng isang ilustrado o isang mestizo, nararapat lamang na siya’y may salapi at may reputasyong pinanghahawakan sa lipunan.


Sa kabilang banda, isang malaking pagkakaiba ng lipunang Colombian at lipunang Pilipino noong mga panahong iyon ay ang pagiging konserbatibo ng nahuli. Sa Colombia, ang isang lalaking may salapi, may pinag-aralan at may pangalan ay may malakas na loob para ‘magkaroon ng maraming babae’ siya ma’y may asawa o wala. Ang ilang mga babae nama’y kahit na may asawa na eh nagagawa pa ring makipagsiping sa ibang lalaki para sa sexual pleasure. Samantala, ang mga Pilipinong lalaki naman ay kinakailangang magsikap na magkaroon ng magandang status sa buhay para matanggap ng babaeng kanyang natitipuhan; at ang mga babae naman, may asawa man o wala, ay tanging ang tahanan lamang ang mundo at walang ibang iniintindi kundi ang kapakanan ng asawa, anak at ang pagiging madasalin sa Diyos.


Bilang paglalahat, malaki at malakas ang bahagi na ginamapanan ng lipunan sa kung gaano kaginhawa o kasalimuot ang magiging buhay ng isang tao hindi lamang sa estadong sosyal at pinansyal kundi sa lahat ng aspeto ng buhay, maging sa pag-ibig. #



--grabe 'tong movie na 'to. pero ayon sa mga nabasa ko sa web na reviews dito, nadistort ata ung story dahil iba din ung nasa novel. tsktsk. para san nga ba talaga ang pagcoconvert ng isang nobela sa isang pelikula? pera o emphasis? tsktsk.