Sunday, October 19, 2008

Pinapanday na ang barya...

Madalang na akong makatanggap ng limos ngayon. Ni singkong butas eh 'di ko man lamang marinig kumalansing sa lata kong walang laman, gaya ng aking sikmurang kanina pang umaga natitigang. Ang nakapagtataka'y marami namang labas-masok sa simbahan, pero kahit pa ipagsigawan ko na ang aking pagmamakaawa'y sa tingin ay ‘di man lang ako mabalingan.

Nagpasya akong lumipat sa palengke pagkapananghali, umaasa sa mga tindero’t mamimili na dudulog sa ‘king matinding pangangailangan. Sa bungad ng pamilihan ko pinuwesto ang aking sarili at sa aking gulat ay halos di-mahulugang karayom pa rin ang kapal ng tao. Sa ilalim ng sikat ng araw ay sinimulan kong tugtugin ang aking harmonica, sa tanging saliw na naituro sa akin ng aking ama.

Ngunit tila nasasapawan ng ingay ng palengke ang kakatwang tunog ng aking harmonica. Sa magkahalong gutom at pagod ay wala na akong nagawa kundi pumikit – ang tanging pahingang sandaling bumabawi sa ‘king lakas.

Walang anu-ano’y naramdaman kong may umupo sa ‘king tabi. Hindi ako dumilat sakaling maawa sa ‘kin ang yaong tao at ako’y iwanan man lamang ng tira-tirang pagkain o barya.

Narinig ko siya. Tila naiinis at suyang-suya sa mga pasanin o problema sa buhay. Sa loob-loob ko’y tila wala na rin akong pag-asang makakuha ng limos sa taong ito.

Nagpatuloy ang banas na nilalang. Talagang yamot na yamot na ito. Naiinis dahil umano sa di nagkasya ang perang pinamili para sa araw na iyon.

Naiinis siya dahil sa pagtaas ng presyo ng karne ng baboy at baka.
Naiinis sa haba ng pila sa bigas na NFA.
Naiinis sa baklang suki niya sa mantika na hindi siya pinagbigyan sa pagtawad.
Naiinis sa depektibong bote ng toyo kaya’t nabasag habang dala niya.
Naiinis sa dumi at usok mula sa pagkokomyut dahil mahal ang gasolina.
Naiinis na sa hirap ng paglibot sa palengke, isa lang ang presyo ng apat na pirasong itlog.
Naiinis dahil naiwan ang listahan sa bahay at ‘di maalala kung kumpleto ba ang nabili.
Naiinis dahil pati patuka sa panabong na manok ay nagtaas-presyo.
Naiinis sa almusal na kakapiranggot na pandesal sa halagang uno-singkwenta.
Naiinis dahil sa haba ng pila sa Lotto at Go Binggo’y kaiinit pa naman.

Kakatwa… naintindihan ko na.

Kaya pala walang nagbibigay ng limos sa simbahan.
Kaya pala kahit batchoy ay ipinagdaramutan.
Kaya pala maraming naglalakad.
Kaya pala mga mukha nila’y animo’y sa lupa’y pawang sadsad.
Kaya pala dinadagsa ang mga tindera ng galunggong at kangkong.
Kaya pala maraming pinipilahan ngayon.
Kaya pala…

Pinapanday na siguro ang barya.

Minulat ko ang aking mga mata kasabay ng katotohanang aking natuklasan. At aba, nag-iwan ng ensaymada ang problemadong nilalang. #

No comments: