Tuesday, November 11, 2008

Munting bituin

Isang gabi’y umaasa akong sa aking pagtingala sa kalawaka’y lalantad ang pagkarami-raming maliliwanag na tuldok… ang mga bituing siyang ganda ng kalangitan. Sa aking gulat ay tila walang nagpakita noong gabing iyon, ngunit patuloy pa rin akong nagmasid, at naghintay at naghanap. . . at ako’y nagtagumpay. Lumitaw ang isang talang di-kaliwanagan, bagamat tila may kakaibang dating kaya’t halos natitigan ko nang matagal.

At saka ko napagtanto…
Ang kagandahan ng isang bituing nagliliwanag at tumalo sa kadilimang nagtatangkang maghari-harian sa kasagsagan ng gabi. Tulad ng isang kandilang hanap-hanap ng mga takot at nag-aalalang mata ng isang pamilya sa loob ng isang tahanang di nabiyayaan ng daloy ng dagitab.

At tulad ng isang batang sa ngalang Magnifico, na sa kabila ng hagupit ng kahirapan at pagdurusa sa buhay ay nagsilbing isang bituin sa mga taong muntik nang lamunin ng dilim ng kawalan ng pag-asa. Sa kamusmusang di naparam ng madalas na di pag-ayon sa kanya ng kapalaran. Isang paslit na bagamat mangmang kung husgahan ay nagtataglay ng pusong kalugud-lugod nang tulad sa isang anghel na sugo ng Maykapal.

Si Magnifico na ang mga mata’y maagang namulat sa realidad ng buhay; ngunit sa isang pananaw na sa likod ng bawat pagsubok ay sumisilay ang kaiga-igayang sinag ng araw sa umaga. Gaya din sa tuwing pagtila ng isang malakas na ulan ay namumutawi ang kakatwang arko ng mga kulay – ang bahaghari na simbolo ng pag-asa.

Si Magnifico, na may paniniwalang “hindi porket matanda na ang isang tao’y hindi na niya kailangan ng tulong…” sapagkat nakita niya ang sitwasyon ng kayang lola na dumaranas ng matinding sakit sa lapay; at kanyang lihim na ipinaghanda ng mga detalye para sa libing sa oras na mamatay ito.

Si Magnifico, isang tunay na kaibigan sa oras ng pangangailangan, ipagtatanggol ka sa mga mapang-api, pangingitiin ka sa gitna ng kapighatian, at kasabwat sa kalokohan.

Siyang batang Maginifico, na magtuturo sa’yo ng mga payak na bagay sa buhay, tulad ng matiyagang paglalakad sa kabila ng layo ng patutunguhan. Magpapakita ng kahalagahan ng mga salitang “Maraming salamat po” at “Pasensya na po.”

O siya ngang si Magnifico, na hindi titigil hangga’t hindi mo siya pinaniniwalaan sa katotohanang nais niyang iparating sa iyo sapagkat iyon nama’y para sa iyong kapakinabangan.

Si Magnifico, isang mapagmahal na kuya, na di alintana ang pagod basta’t mapasaya lamang ang nakakabatang kapatid na si Helen, pasan-pasan niya sa likuran, at masayahang inililibot sa perya – ang tanging kaligayahan ng mga tulad nilang bata.

Ang batang si Magnifico, isang ordinaryong batang makakasalubong mo sa iyong paglalakad, nakatsinelas at uniporme, bitbit ang asul na lagayan ng ilang kwaderno, maswerte na kung may libro, pati ilang panulat na lapis na tinasahan gamit ang kutsilyo. Siya, na magiging dahilan ng iyong pagngiti sapagkat sa kanyang mukha’y may pag-asa ang lahat ng bagay, kahit gano man ito kabigat ay malugod mo pa ring mapapasan basta’t may tiwala, sikap at katapangan.

Si Magnifico, bagamat naging dahilan ng kalungkutan ng marami sa kanyang pagpanaw ay nag-iwan naman ng maliwanag na pag-asa – ang sinasabing ngiti matapos ng pagdaloy ng luha at tahimik na paghikbi.

Si Magnifico.
Isang bata.
Isang bituin.
Isang anghel.

Nasalubong mo na ba si Magnifico?

***
Ngunit tinawag ni Hesus ang mga alagad at sinabihan, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat sa mga katulad nila naghahari ang Diyos.”
- Lucas 18:16

Walang nagsisindi ng ilaw at naglalagay nito sa sa ilalim ng takalan. Sa halip ay inilalagay ito sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay.
- Mateo 5:15

***
_________________________________________________________________
haiy., panuoren niyo na ren.. anggnda tlga., maiinspire ka..

No comments: