Tuesday, November 11, 2008

Oyayi sa gitna ng buhawi

“Nasa nagdadala ang ikinagagaan o ikinabibigat ng anumang pasan…”

Hindi maikakaila ang hirap ng buhay noon. Para sa isang batang tulad niya, mas nanaisin pang ipagpalit ang baong mais para sa ilang pahina ng papel, gumamit ng kanin pandikit at laway pambura. Ngunit sa isang tulad niya’y wala lamang ang mga ito sapagkat mas matumbas pa ang kaniyang pagsisikap na mapalawak ang sariling dunong kahit pa pahira-hiram lang ng libro at tumayo sa sariling mga paa.

Maaga ring ninakaw sa kanya ang kaniyang pagkabata. Mula sa paglalaro ng tansan, goma at teks, pag-akyat sa puno ng talisay at bubong ng kapitbahay, paliligo sa ulan at paghahabulan sa putikan, at pakikipagbuno sa mga kalarong mas damuho pa sa kanya; ang kanyang kamusmusang laro lang ang hanap ay agad napawi. Sa gulang na 9 ay nalipat siya sa poder ng tiyuhin upang mag-alaga sa pinsan, at tila nawala sa kanyang listahan ang laro at libang. Ang umaga niya’y kundi paglalaba ay pagluluto, saka papasok sa paaralan, pagkauwi’y mag-aaruga ng bata, tapos ay mag-aaral. Kung Sabado at Linggo nama’y tumutulong sa ina sa paglalabada at minsa’y kasa-kasama ng mga kapatid sa pagtitinda ng yema at hilaw na mangga. Pang-apat siya sa kanilang magkakapatid at sa mga panahong iyon, wala siyang sinayang na pagkakataon upang makatulong sa kanila.

Nagpatuloy ang kanyang pakikipagsapalaran sa buhay bilang isang mag-aaral sa hayskul na pinagkakasya ang limang piso para pamasahe at pangkain; siya’y naging miyembro ng teatro at koro, naging maganda ang partisipasyon sa klase at nakakuha ng matataas na marka. Kasama ng tiyaga at kagustuhang makapag-aral, ang tulak ng mga pangarap at kabig ng matatag na loob, ay siya'y nakaraos ng maigi. Taas noong umakyat sa entablado kasama ang ama ay siyay nagtapos bilang ikatlong karangalang banggit.

Subalit talagang sinusubok siya ng pagkakataon. Mga pangako nga nama’y ginawa para ipako. Sa kasamaang palad ay di siya nakapag-aral sa kolehiyo na siyang sandaling ikinadurog ng kanyang puso. Ang mga nakikinita niya at pangarap sa buhay ay tila isang barkong naglalaho sa ‘horizon’. Masakit, ngunit nagawa pa rin niyang tanggapin ang katotohanan.

Ngunit ano nga ba ang plano ng Panginoon para sa kanya?

Sya’y napasok sa isang pabrika ng electroniks sa gulang na 17. Patuloy na nakikibaka’t nagsisikap hanggang sa siya’y ipakilala sa isang payat, matangkad at maputing Bikolano na naging kapalagayan niya ng loob. Sila’y nagsasabay kumain ng sorbetes, at nagsusuyuan kundi sa may posohan ay sa may tindahan. Lumipas ang panahon at pinangalanan ang namamagitan sa dalawa, at iyon ay pag-ibig. Sila’y ikinasal at nagbunga sa apat ang tunay na pagmamahalan.

O buhay nga nama’y isang pagsubok. Naging mahirap ang simulain nila pagka’t siya’y isang batang ina. Naritong uuwi ang asawa mula sa pagpapasada ng dyip at sila’y masaya na’t magsasalo sa ilang pakete ng noodles at ilang pirasong daing. Mangyari din na muntik pang mapalayas sa sariling tahanan sa mga kondisyong 'di naman makatwiran. Ngunit siya at ang kanyang pamilya ay nanatiling matagtag, at sa sikap ng asawa’y sila’y nakapagpatayo ng sariling negosyo.

Marahil ay hindi ganoon kadaling tumayo sa sariling mga paa, lalo na’t sarili lang nila ang kanilang inaasahan. Palibhasa’y subok na ang pagsasama, naging pundasyon ito sa maayos na pagmamaniobra sa liku-likong daan ng buhay, kaalinsabay ang mainam na pamamaraan ng pagdidisiplina sa mga anak at matinding pasensya bilang mga baguhan sa industriya ng kalakalan.

Dumating din ang pagkakataong sunud-sunod na nagbanta ang mga sakit sa kanyang buhay. At halos hindi na makagawa sa bahay dahil sa mga nadarama. Sakit nga nama’y di dapat inaalagaan, kaya’t naroong siya’t tila walang karamdamang nagpatuloy sa pamumuhay ng normal. Awa at salamat sa Diyos, nagsawa sa kaniya ang mga sakit at sa katawan niya’y lumisan.

At ngayon, siya’y isang masayang ina, na sa bawat pagtapak ko sa kaniyang tahanan ay ako’y sasalubungin ng ngiti; isang ngiting alam mong hindi natitinag, anumang unos ang dumaan. At sa tuwing siya’y aking pagmamasdan, naroroon ang kakaibang pakiramdam ng awa, paghanga, galak, pagmamahal. Ang babaeng tila kawayan, na sa paghagupit ng hangin at ulan ay mapapayukod ngunit muling tatayo, patunay na bagamat ang buhay ay isang matinik na landasin, walang imposible sa isang matatag na puso. #
___________________________________________________________________
kahit sino mahuhulaan kung sino 'to.. :)

No comments: