Sunday, December 13, 2009

TRIBU: Bawal Pumasok Dito ni Jim Libiran - reaction paper sa nstp.

“Sabi ng tatay ko, ang Tondo ay para lang sa mga matatapang.”

Sang-ayon ako sa linyang itong madalas sambitin ng batang isa sa mga bida sa indie film na pinamagatang Tribu. Mula nang ako’y magkamalay sa existence ng Tondo, karahasan at panganib ang mga naghaharing imahe sa aking balintataw at magpahanggang ngayon ay ganito pa rin naman ang pagtingin ko sa nasabing lugar.

Sa aking pagkaka-alam, sa Tondo rin lumaki ang isa sa mga kontrobersyal na bayani ng ating bansa – si Andres Bonifacio. Bakit kamo siya naging kontrobersyal? Sapagkat si Bonifacio, di tulad ng karamihan sa mga kinikilalang bayani ng Pilipinas, ay isang dukha, isang taong lumaking pinagkaitan ng kaginhawahan sa buhay ngunit hindi ng katapangan at pagmamahal sa kalayaan.

Tulad ni Bonifacio, ang mga gangsters sa Tondo ay walang kinatatakutan. Kumbaga, ‘mata sa mata, ngipin sa ngipin.’ Buhay ang kinuha, buhay rin ang kapalit. Hindi sila papayag na sila’y maloko-loko lamang ng ibang gang o madehado sa isang duelo sa pagitan ng mga magkakalabang panig. Bawat grupo’y may reputasyong pinanghahawakan, may kapatirang tila mahirap matibag. Tanging pinagkaiba nga lang nila’y ang hilig ng mga gang na ito sa paghahayag ng kanilang saloobin sa pamamagitan ng ‘pagrara-rap.’ Sila’y mga hiphop gangs sa madaling salita, at malamang ay wala pang ganitong uri ng pamamahayag noong panahon ni Bonifacio.

Naging mas malinaw pa ang aking pang-unawa sa buhay-Tondo dahil sa pagganap ng isang bata bilang isang ‘karaniwang paslit’ sa nasabing lugar. Laboy, ma-usisa, inosente at mabilis maimpluwensyahan. Sa kaso ng batang bida, naiintindihan ko ang unti-unting pagkamuhi niya sa mga tao, partikular na ang mga lalaking madalas na kasiping ng biyuda na niyang ina. Sa aking pakiwari, basta’t makaraos sa pagsiping ay wala nang iba pang ‘concern’ ang mga ito – kahit pa makita sila ng kanilang mga anak o marinig ng ilang mga kalapit-bahay. Sino ba namang anak ang magnanais na makita ang kanyang ina o ama na may kinakasamang ibang tao hindi ba? Kung ako ang nasa sitwasyon ng bata, mas pipiliin ko pa sigurong magpakalayo kaysa araw-araw na masaktan sa katotohanang sirang-sira na ang aming pamilya.

Sa isang banda, kung ibabatay ko ang pag-intindi sa panig ng ina ng bata, marahil ay nagagawa lamang niya ang ganoong bagay dahil na rin sa kahirapan. Hindi na siguro bago sa atin ang mga inang nagbibigay aliw sa mga kalalakihan para lamang may ipanlaman sila sa sikmura ng kanilang mga anak. Marahil ay nagawa lamang din niya iyon sa kadahilanang nais niyang makalimot sa mga problemang kinakaharap hindi lamang ng sarili niyang pamilya kundi ng mga taong nasa paligid niya. Ngunit, alam naman nating lahat na ang karahasan at pagtatanggal ng respeto sa sarili ay hindi solusyon sa ating mga pasanin.

Isa ring nakamamanghang accomplishment ng buong production staff ng Tribu ang pagkakaroon ng isang tunay at mabuting kapatiran habang ginagawa ang pelikula. Ayon nga sa acceptance speech ni G. Libiran, direktor ng tribu, noong ginawaran ang Tribu noong ika-29 ng Hulyo 2007, "Nananawagan po ako sa mga pulis ng Maynila, 'yun pong mga hinuhuli ninyong mga bata ng Tondo ay mga Best Actor na po ngayon [malakas na cheer mula sa mga manunuod]. Meron pong ibang paraan para matigil ang mga riot sa Tondo at sa iba pang mga Tondo sa Pilipinas. Parang awa n'yo na, huwag po ninyong patayin 'yung mga bata. Baka sa kanila manggaling ang susunod na National Artist." Wala na sigurong hihigit pa sa nakamtan ng mga taong nagtulong-tulong sa pagtapos ng indie film na ito. Kung noong bago pa lamang magsimula ang paggawa sa pelikula ay walang ibang pinangarap si G. Libiran kundi ang sumikat at yumaman, nang matapos nila ito’y naglaho ang mga pangarap na iyon. Dahil naging isang malaking hamon para sa kanya ang indie film na ito, tagumpay nang masasabing bukod sa sila’y natapos at nagawaran ng maraming parangal ay nagdulot pa ito ng isang malaki at napakabuting pagbabago sa kabataang gangsters ng Tundo.

Hindi nakapagtatakang deserving nga ang Tribu sa paghakot sa mga award bilang Best Film (in Full Length category), Best Actor, at Best Sound. Habang pinapanood ko kasi ang yaong pelikula, para bang nanunuod lamang ako sa isang recorded na mga pangyayari sa Tondo na kuha ng isang malikot na hidden camera. Ang realidad sa Tondo, kahirapan, karahasan, kamangmangan, kamusmusan, krimen, at marami pang masasalimuot na katotohanang maaari pa rin nating makita o madama ay siyang nagsilbing ‘tagamulat’ sa mga manonood. Hindi ko maitatanggi na may ilang eksenang hindi ko komportableng makita, ngunit dahil ang Tribu ay nakapokus sa kung ano naman talaga ang nangyayari sa Tondo, aking napagtanto na bilang isang mamamayan, ang pinakamagandang paraan upang malaman ang solusyon sa mga suliranin ng lipunan (halimbawa ay ang mga gang sa Tondo) ay ang makita o masaksihan ang mga (suliranin) ito.

Tunay ngang ang Tondo ay para lamang sa mga matatapang. #

No comments: