Sunday, December 13, 2009

Ang una kong pagbisita sa GK Baseco (Tondo, Manila) --walang kamatayang reaction paper.

TONDO. Pugad ng mga notorious na magnanakaw at sindikato; kandungan ng mga tagpi-tagping bahay; palaruan ng mga batang marurungis; tagpuan ng mga ipis, daga, langaw at iba pang mga nakakadiring mga nilalang na namimiyesta sa basura. Lugar ng mga maiingay na tomadero na madalas magkagulo, naghahabulan ng itak at nagbabatuhan ng bote, hindi titigil hangga’t walang matapang na aawat, at sa oras na maawat nama’y imposibleng ni isa sa kanila ay ‘di man lang napuruhan o duguan. Tambayan ng mga sugarol, tsismosa, walang trabaho, tengga, petiks sa buhay, isang kahig isang tuka, mangmang. Mahirap. Dukha. Hampas-lupa. Para sa marami, isang lugar ng kawalang pag-asa, tanging kamatayan na lamang ang tatapos sa kahirapang mula pagsilang ay kanila nang nakagisnan.

Nagtaka ako. Hindi ganito ang Tondong sumalubong sa akin noong araw na iyon, noong araw nang aming bisitahin ang Baseco – isang bahagi ng kalakhang Tondo.

Maiingay ang mga bata nang aming datnan. Lulan ng isang dyip, pinagmamasdan ko sila mula sa bintana ng aming sasakyan. Masaya, bawat isa’y may nakasukbit na bag sa kanilang mga balikat o likuran. Maya-maya’y isang traysikel na walang bubong ang dumaan, lulan ang mahigit-kumulang dalawampung batang maliliit, animo’y isang parada tuwing Mayo. Sumunod pa ang isang pedikab na minamaniobra ng isang binatilyong marahil ay trese o kinse ayos ang itsura, lulan pa rin ang maraming bata na ilang saglit lamang ay makaka-uwi na rin sa kani-kanilang mga tahanan. “Piso o dos siguro ang bayad nyan bawat isa,” hula ng isa kong blockmate. Uwian na, kaya pala.

Ilang sandali pa, isang naka-asul na babae ang lumapit sa amin at kami’y pinatuloy sa isang makulay at pahabang ‘hall’. Salamat sa kanya at kami’y naka-iwas sa mainit na dampi ng nakatirik na araw noong hapong iyon. Sa loob ng hall ay ilang painting ang makikita sa konkreto nitong pader. Makulay at tila masayang nagtutulungan ang mga taong nakapinta sa mga larawan sa pader o sa maikling salita’y mga ‘mural’. Sa isang whiteboard nama’y nakalimbag ang lyrics ng isang awiting pansimbahan. Kako, “Siguro church ‘to dito.”

Nalaman na lamang namin na ang babaeng nagpatuloy sa amin sa makulay na lugar ay isa pala sa mga tagapangasiwa ng GK Baseco. Ito na pala ang GK site, kaya pala makulay. J

Ilang minuto din naming binaybay ang piling mga bahagi ng GK Baseco. Pakiramdam ko, wala ako sa sinasabing ‘Tondo’. Para ngang naglalaboy lamang ako sa lugar namin sa Antipolo – ang Tubigan. Tulad sa aming lugar, maayos rin ang mga kalsada roon, mas malawak pa nga ang sa Baseco kumpara ng sa amin. Kung tutuusin, nasiyahan talaga ako sa paglibot sa GK Baseco, hindi lamang dahil sa makukulay ang mga bahay roon, ngunit dahil na rin sa mga senyales ng pag-unlad ng bawat pamilyang naninirahan dito. Karamihan sa kanila ay may kani-kaniya pinagkakakitaan, may suplay ng kuryente at tubig at may sapat na espasyo sa kanilang mga tahanan para sa iba pa nilang gawain sa araw-araw: ginawa nilang taniman ng mga gumagapang na gulay ang pagitan ng bubungan ng kanilang mga bahay, may mga puno rin doon bagamat hindi pa sila ganoon kalaki para masilungan tuwing siesta.

Sa isang learning center na pinatayo ng Proctor & Gamble kami tinipon para makinig sa isang maikling introduksiyon ukol sa pagkakatatag at pagpapatuloy ng buhay sa GK Baseco. Ayon sa kanila, isang malaking ‘factor’ ang Panginoon upang maisakatuparan ang mga plano ng Gawad Kalinga hindi lamang sa Tondo kundi pati na rin sa iba pang bahagi ng Pilipinas. Ang Panginoon ang nagtataglay ng pinakamalakas na puwersa na bumubuklod sa mga tagapagtatag ng mga GK sites sa ating bansa. Kaalinsabay nito ang kagustuhang matulungan ang ating mga kababayang mahirap at ang inisyatibong paunlarin ang bawat pamilya kahit sa maliit nilang mga paraan.

Nakatutuwa lamang pong isipin na sa likod ng tagumpay ng isang gawaing may layuning hindi nakapokus sa pansariling ‘recognition’ ay naroroon ang malakas na impluwensya at gabay ng Diyos. Ang GK Baseco ay isa lamang po sa mga ebidensya sa totoong buhay na ang pagkilos ng Panginoon ay hindi nangangailangan ng malawakang pagkilala bagkus ay patuloy lamang nitong pinaparami ang kabutihang naidudulot sa mga taong nagtitiwala sa Kanya.

Sa nasaksihang kong sinasabing pagbabago sa Baseco noong araw na iyon, masasabi kong ang ginagawang pagtulong ng Gawad Kalinga sa mga Pilipinong salat sa buhay ay hindi natatapos sa pagtatayo lamang ng bahay. Ang pagkakaroon ng matiwasay at maayos na pamamahay, para sa akin, ang nagbigay ng lakas ng loob sa kanila upang ibangon ang sarili mula sa pagkakasadlak sa paanan ng kahirapan.

Uwian na. Sa aming pag-alis sa Baseco noong hapong iyon, napagtanto ko ang isang bagay na maaari kong ihambing sa isang tao: anumang dumi ang nakakapit sa kanyang pagkatao, hindi imposibleng siya’y magbago tungo sa kabutihan basta’t gusto niya at handa siyang muling bumangon. Naalala ko tuloy ang mga salitang nakalimbag sa likuran ng t-shirt ng isang tagapangasiwa sa GK Baseco: GOD IS ENOUGH. #

No comments: